Gustong maka-sure kung sino sa 2 BF ang ka-compatible para seryosohin

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 18, 2020
Dear Maestro,
Hindi naman ako kagandahan, pero masasabing may dating din, kaya hindi naman sa pagmamayabang, pero marami akong manliligaw. Sa ngayon, may dalawa akong boyfriend, isang isinilang noong October 16, 1993 at ‘yung isa ay isinilang noong November 28, 1992, habang February 11, 1994 naman ang birthday ko.
Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung sino sa dalawang boyfriend ko ang mas ka-compatible ko at kung sakaling mag-stick to one ako, sino ang dapat kong piliin sa kanila? Gayundin, kung sakaling mag-aasawa ako, kanino sa dawalang ito ako higit na liligaya at magkakaroon ng maunlad at masaganang pagpapamilya?
Umaasa,
Ms. Aquarius ng San Cristobal, San Pablo, Laguna
Dear Ms. Aquarius,
Ayon sa zodiac sign mong Aquarius, higit mong ka-compatible ang boyfriend mong Libra kung ikukumpara sa isang Sagittarius. Sapagkat ang Libra na zodiac sign ng unang boyfriend mo na isinilang noong October 16, 1993 at Aquarius naman ang zodiac sign mo ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong air o hangin.
Ibig sabihin, sa Western Astrology, tunay ngang “same feather flocks together” kayo o ang inyong relasyon, kaya sa piling niya, “sure win” ang isang maligaya at panghabambuhay na pagsasama.
Sa aspetong Numerology naman, bagama’t kailangan ng weak number mong 11 o 2 (ang 11 ay 1+1=2) ang isang strong number na 1, tulad ng birth date na 28 (2+8=10/ 1+0=1) ng ikalawang boyfriend mo, subalit katugma rin ng weak number mong 11 o 2, ang isa pa uling weak number na 7 o 16 ng boyfriend mong Libra kung saan sa pang-statistical na basehan, ang mas madalas na nakakatuluyan ng mga taong may numerong 2, 11, 20, at 29, ay silang may birth date na 7, 16 o 25.
Ibig sabihin, mas lamang si Mr. Libra kung ikukumpara kay Mr. Sagittarius kung compatibility ang pag-uusapan, dahil si Mr. Libra ay pareho mong ka-compatible sa Numero-Astrology na pag-aanalisa.
Kaya kung nais mo nang mamili sa dalawang boyfriend mo at nais mo nang mag-stick to one, maging loyal at ihanda ang pag-aasawa, mas maganda kung piliin mo si Mr. Libra, lalo na kung mahal mo siya at mahal ka rin naman niya. Sa ganu’ng paraan, makatitiyak ka ng matibay na relasyon na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa.




Comments