Ginang na backrider todas sa trak
@Balitang Probinsiya | September 24, 2022
ALBAY—Isang ginang na backrider ang namatay at sugatan naman ang mister nitong rider nang aksidenteng mabangga ng trak ang kinalululanan nilang motorsiklo kamakalawa sa national highway sa Bgy. Matacon, Polangui.
Ang nasawi ay kinilala ng pulisya na si Salvacion Baraquel, samantalang ang sugatan ay ang mister nito na si Joel, kapwa nasa hustong gulang at parehong residente ng Bgy. Santicon sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat, mabilis ang takbo ng trak na minamaneho ni Ramon Salvador kaya aksidenteng nabangga nito ang motorsiklong kinalululanan ng mag-asawa.
Nabatid na nagtamo ng malaking pinsala sa ulo at katawan ang mga biktima at nang dalhin sila ng mga saksi sa pagamutan ay idineklarang dead-on-arrival si Salvacion.
Nakapiit na si Salvador sa detention cell ng pulisya at nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injury and damage to property.



Comments