top of page

Gayuma (6)

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 21, 2023
  • 2 min read

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 21, 2023



ree

 

“What Baninay want, Baninay gets!” Nakangising sabi niya habang nakaharap sa salamin. 


Hindi man siya ipinanganak na may gintong kutsarang sa bibig, nakukuha niya naman ang lahat ng kanyang naisin. Ang nakakatawa pa, hindi niya na ito pinaghihirapan. Ang kailangan lang niyang gawin ay mag-concentrate upang makuha ang kanyang ninanais.


Hindi man niya alam kung saan siya nagmula, at kung ano’ng klaseng pagkatao mayroon siya. Ngunit, nakakasigurado siyang hindi siya ordinaryong nilalang. Kung tulad din kasi siya ng iba, hindi niya magagawang pasukin ang isip ng ibang tao para mapasunod ito, at hindi rin siya magkakaroon ng kakayahan na makapanakit gamit ang kanyang isipan. 


“Ano’ng ginagawa mo?” Wika ng kanyang ina habang pumapasok sa kanilang kuwarto. 

Mabilis itong lumapit sa kanya habang tinititigan si Baninay. Hindi man lang nakaramdam ng takot si Baninay nu’ng mga oras na ‘yun. 


Alam niya naman kasi hindi siya kayang saktan ng kanyang ina. Bagkus, matamis na ngiti pa ang ipakita niya rito. 


“Wala po.”


“Ikaw lang ang puwedeng manakit…” Bigla itong huminto sa sasabihin. Marahas na buntong hininga ang pinawalan ng kanyang Nanay Mameng at sabay sabing, “hindi ko alam na may kakayahan kang ganyan.”


“Kung ganu’n, hindi ko lang ito basta abilidad. Nasa lahi natin ito? ‘Yun ba ang dahilan kaya narito tayo sa Manila, inilayo mo ako sa ating mga kalahi?”


“Dahil ayokong gamitin ka nila sa kasamaan,” buong diing sabi nito. 


“It’s cool.”


“Huwag mo akong ma-ingles-ingles,” wika nito.


Nakaramdam siya ng panghihina. Kumunot tuloy ang kanyang noo. Noon lang niya kasi naalala na may mga pagkakataon na kapag nag-uusap ng ingles ang mga taong nakapaligid sa kanila ay nanghihina ito samantalang nakakaramdam naman siya ng lakas kapag malalalim na tagalog ang usapan. 


“Ano bang klaseng pagkatao ang mayroon tayo?”


“Ito ay mga mangkukulam,” buong diing sabi nito. 


Hindi niya maiwasan ang manggilalas dahil nang sabihin iyon ng ina para ring may kung ano’ng klaseng apoy na biglang lumabas sa kanyang paligid. 

 

Itutuloy…


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page