ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Enero 19, 2024
“May iba pa bang nanggagayuma kay Gabriel kaya hindi ito tinatablan ng gayumang ibinibigay ko?” Manghang tanong ni Baninay sa kanyang sarili.
Iyon lang naman kasi ang naisip niyang dahilan kaya balewala rito ang panggagayuma niya.
Ipinilig niya ang kanyang ulo pagkaraan, imposible naman kasing mangyari iyon.
Ngunit, bigla siyang natigilan nang may ideyang pumasok sa kanyang isipan.
“Hindi kaya ginayuma rin ito ni Princess?”
Umiling siya. Para naman kasing imposibleng mangyari iyon. Napakaganda na ni Princess kaya hindi na nito kailangan pang gayumahin si Gabriel.
“Sure ka?” Dudang tanong niya sa kanyang sarili.
Wala naman na kasing pupuwedeng manggayuma kay Gabriel kundi si Princess lang. Kahit tuloy maganda si Princess ay parang gusto niyang magduda rito.
“Paano nga kung dati ay hindi naman talaga type ni Gabriel si Princess?”
Ibig sana niyang matawa sa naisip niyang 'yun, pero bigla rin siyang natigilan. Sa mundong ito naman kasi, hindi lahat ng gusto mo ay makukuha mo.
“Paano nga kung…?”
Naisip niya na mas maigi kung mag-imbestiga siya. Kahit naman kasi komprontahin niya si Princess, hindi pa rin ito aamin, at magmumukha lang siyang kontrabida.
Ngunit, pakiramdam niya ay may lihim siyang matutuklasan kung magiging matalino lang siya. Siyempre, ang una niyang dapat gawin ay ang mag-imbestiga.
Kahit sinasabi ng utak niya na imposible ang naiisip niya, ang atribidang bahagi naman ng kanyang isipan ay nagsasabing, “paano nga kaya?”
So, ano'ng dapat niyang gawin at saan siya dapat magsimula?
“Saan pa nga ba kundi sa eskwelahan,” nakangisi niyang sabi.
Paniguradong du'n nagsimula ang kanilang kuwento.
Itutuloy…
Comentarios