top of page

Floral na damit, dapat isuot para maakit ang mga suwerte sa career at pinansiyal na aspeto

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 3, 2020
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 3, 2020



Dear Maestro,


Graduate ako ng HRM at bago mag-lockdown ay nag-a-apply ako ng trabaho, kaso matatanggap na sana ako nang biglang nag-lockdown. Sa ngayon, halos mag-iisang taon na akong naghahanap ng mapapasukan at hanggang ngayon ay tag-alat at wala pa rin akong trabaho.


Ano ang masuwerteng petsa at buwan ako dapat mag-apply upang suwertehin ako? Bored na bored na ako ngayon sa bahay. Gusto ko ring malaman kung ano ang aking masuwerteng kulay na dapat isuot upang kapag nag-apply ako ay mas madaling pumabor sa akin ang suwerte at magandang kapalaran? Wala rin akong boyfriend, kailan ako magkaka-boyfriend at ano ang zodiac niya? December 18, 1996 ang birthday ko.


Umaasa,

Fatima ng Paltok, SFDM, Quezon City


Dear Fatima,


Ayon sa birth date mong 18 o 9 (1+8=9) sa destiny number na 7 (12+18+1996=2026/ 20+26=46/ 4+6=10/ 1+0=1) sa zodiac sign na Sagittarius, mapalad ka sa kulay na pula, berde at dilaw. Ganito ang pagamit:


Tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 6, 15 at 24, higit lalo kung ang nasabing mga kulay ay natapat sa mga araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, pula ang gamitin mo, habang paminsan-minsan, ang kulay na pink at asul ay puwede ring pamalit sa pula kapag sawa ka nang gamitin ang nasabing kulay.


Samantala, gamitin naman ang kulay na berde at dilaw tuwing sasapit ang petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22 at 31, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Lunes, Sabado at Linggo.


Dagdag pa sa nasabing mga kulay, upang mas mabilis mong maakit ang suwerte at magandang kapalaran, paminsan-minsan ay magsuot ka rin ng mga damit na bulaklakin.


Sa pamamagitan ng nasabing mga kasuotan, mas madali mong maaakit ang suwerte at magandang kapalaran, lalo na sa larangan ng career, pag-ibig at pinansiyal.

Kusa namang iigting ang mabuting kapalaran mula sa ika-18 ng Agosto hanggang sa ika-27 ng Disyembre at mula sa ika-18 ng Marso hanggang sa ika-27 ng Mayo. Sa nasabing mga panahon ka mag-apply ng trabaho upang siguradong ikaw ay matatanggap.


Magsisilbing pampabuwenas naman ang batong Turquoise o kahit anong uri ng bato na kulay pula kung ipalalamuti sa gold o gintong singsing na nakadikit sa iyong balat.


Ayon sa iyong Career at Love Calendar, sa sandaling sinunod mo ang nasabing mga simpleng rekomendasyon sa itaas, tiyak ang magaganap sa 2021 – sa sandaling nakaimbento na ng gamot kontra Covid-19, sa edad mong 24 pataas, bukod sa makasusumpong ka na ng regular na trabaho, makatatagpo ka rin ng magiging boyfriend. Ang magiging first at maaaring last boyfriend mo ay kayumanggi ang kulay ng balat, balingkinitan ang pangangatawan at isinilang sa zodiac sign na Leo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
Kim Domingo - Instagram.jpg
bottom of page