top of page

Ex-bf na may anak, nakikipagbalikan, ‘di dapat patulan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 5, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | June 5, 2023

Dear Sister Isabel,


Balak namin ng dyowa ko na magpakasal ngayong 2023. Kaya lang ay parang hindi pa ko handa, kasi mayroon akong ex na gustong bumalik at niyayaya rin ako nito ng kasal. Mahal ko ito, kaya lang ay inagaw siya ng iba at nagkaanak siya ro’n. Ngayon ay biyudo na ang ex ko, at handa na raw itong pakasalan ako.


Samantala, ang dyowa ko ay binata at ramdam kong mahal din ako nito.


Nagdadalawang isip tuloy ako kung sino sa kanila ang pakakasalan ko.


Bagama’t mas mahal ko ngayon ang ex-boyfriend ko, kaysa sa dyowa ko. Sister Isabel, sino kaya sa dalawa ang pakakasalan ko, pareho silang may trabaho at stable na ang kalagayan. Sana ay matulungan niyo ako sa pagpapasya.

Nagpapasalamat

Celia ng Bulacan

Sa iyo, Celia,


Ang maipapayo ko sa iyo ay hindi lang puso ang dapat gamitin mo sa pagpapasya. Gamitin mo rin ang iyong isip. Ang sabi mo ay mahal mo ang ex-boyfriend mo pero inagaw siya ng ibang babae rati. Sa puntong ‘yan, nagpapatunay lamang na hindi ka niya talaga mahal. May mahina siyang kalooban at hindi kayang magpasya sa sarili niya. At ngayon ay nagbabalik siya sa iyo para pakasalan ka? Makabubuting huwag mo na siyang patulan. Luluha ka lang sa piling niya.


Ang dapat mong pakasalan ay ang dyowa mo ngayon. Bukod sa binata, handa pa itong iharap ka sa altar. Sa palagay ko naman ay mahal mo rin siya. Bigla lang sumingit ‘yung dati mong boyfriend. Ipanatag mo ang iyong isipan, ihanda ang iyong sarili sa bagong buhay na haharapin kasama ang iyong dyowa. Hangad ko ang kaligayahan at habambuhay na kasaganaan at kapanatagan sa inyong pagsasama. Huwag ng magdalawang isip pa. Pakasalan mo na ang iyong dyowa.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page