Driver tinodas ng 2 kaalitan
@Balitang Probinsiya | Enero 15, 2023
CAVITE—Patay ang driver nang barilin ng dalawang armadong lalaki na nakaalitan nito kamakalawa sa Bgy. Cabuco, Trese Martires City.
Ang biktimang nagtamo ng tatlong tama ng bala sa dibdib ay nakilalang si Mel Mijares, nasa hustong gulang, samantalang ang mga suspek ay sina Roland Magpuri at Ariel Jaropojo, kapwa 44-anyos, at pawang nakatira sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, habang nag-uusap ay nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at ang mga suspek na humantong para pagbabarilin ng dalawang salarin si Mijares.
Matapos ang pamamaril ay tumakas ang dalawang salarin, pero nadakip sila sa isinagawang follow-up operations ng mga awtoridad.
Nakakumpiska ang pulisya ng dalawang baril, mga bala, balisong at patalim sa pag-iingat ng dalawang suspek na nahaharap sa kasong murder, illegal possession of firearms and ammunitions at illegal possession of deadly weapons.



Comments