ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | November 7, 2023
Dear Sister Isabel,
May nakilala akong lesbian, naging malapit ang loob namin sa isa’t isa hanggang sa nagkapalagayan na kami ng loob. Marami akong admirer pero hindi ko sila pinapansin dahil mas masaya ako sa piling ng karelasyon kong tomboy ngayon.
Hindi alam ng pamilya ko ang kalagayan ko, nag-aalala ako na baka ‘pag malaman nila ang aming relasyon ay itakwil nila ako. Alam kong walang lihim na hindi nabubunyag, kaya ngayon ay nag-iisip ako kung paano ko maitatago ang sitwasyong ito sa pamilya ko. Baka ‘pag nabigla sila ay masaktan at pagtabuyan ako ng father ko.
Ano’ng gagawin ko para ngayon palang ay mapaghandaan ko na ang sasabihin ko sa kanila?
Sana ay matulungan n’yo ako, Sister Isabel.
Umaasa,
Barbie ng Bulacan
Sa iyo, Barbie,
Tanggap na ng lipunan ang sitwasyong dinaranas mo sa kasalukuyan. Marami nang nagladlad na hindi naman gaanong binigyang pansin. Malaya na ang third sex na tinatawag sa buhay na gusto nilang tahakin, tanggap na rin ng kani-kanilang pamilya ang tunay nilang pagkatao. Hayaan mo na lang na kusang malaman ng pamilya mo ang tungkol sa relasyon n’yo. Sa palagay ko naman ay matatanggap ka rin nila.
Kung nakikita mo ang iyong sarili na umiibig na isang lesbian, masaya ka tuwing kapiling mo siya at mas nararamdaman mo ang pag-ibig ‘pag siya ang kasama mo, ituloy mo lang kung saan ka masaya, basta’t wala kang inaapakang ibang tao na magiging dahilan upang lumuha sila.
Hindi mo kasalanan mainlab sa isang tibo, mabuti nga iyan kaysa patuloy kang magkunwari sa mundo na para bang laging may tinatago. Naniniwala ako, isang araw matatanggap din ng pamilya mo ang kasalukuyang kalagayan mo, mauunawaan ka rin nila. Hanggang dito na lang, hangad ko ang iyong kapayapaan at kaligayahan sa buhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comentarios