top of page
Search
BULGAR

‘Di knows ng pamilya na tibo... Lesbian, balak na magpakasal sa gf

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | January 17, 2024


Dear Sister Isabel,


Isa akong ulila sa ama at ngayon ay nagtatrabaho sa abroad. Okey naman ang trabaho ko at nakatutulong naman sa mother at mga kapatid ko. 


37-anyos na ako, at inip na inip na ang pamilya ko na sana umano ay matagpuan ko na ang partner ko. Ayaw nilang tumanda akong dalaga. Ngunit, ang hindi nila alam, isa akong tomboy. Babae ang dyowa ko sa kasalukuyan at balak naming magpakasal sa ibang bansa na kung saan legal ang same sex marriage.


Kung anak naman ang pag-uusapan, puwede naman isa sa amin ang magbuntis sa pamamagitan ng modernong paraan ngayon na ginagawa ng mga doktor. Ang problema ko ay kung papaano ko sasabihin sa pamilya ko na babae ang dyowa ko at hindi lalaki gaya ng ipinagdarasal nila na matagpuan ko upang mamuhay na umano ako ng maligaya sa piling ng magiging kaagapay ko habambuhay. 


Paano ko kaya ipagtatapat sa ina at mga kapatid ko ang tungkol sa nalalapit kong kasal sa isang babae?At paano ko rin sasabihing isa akong tomboy? Sana ay mapayuhan n’yo ako sa kung ano ang dapat kong gawin.

 

Nagpapasalamat,

Bessy

 

Sa iyo, Bessy, 


Maraming salamat sa pagtitiwala mong sabihin sa akin ang pagkatao mo. Tunay ngang mahirap sa isang tomboy na tulad mo na ipagtapat ang katotohanan sa pamilya mo na buong akala’y isa kang tunay na babae. 


Makabubuting sa inay mo muna ikaw magsabi. Natitiyak kong mauunawaan ka niya. At siya na ang bahalang magsasabi sa mga kapatid mo. Sa panahon ngayon, open minded na ang lipunan sa sitwasyon mo. Tanggap na ng karamihan ang same sex relation.


Huwag kang mabahala, sa palagay ko hindi na tututol ang inay mo sa buhay na gusto mong tahakin. 


Ang mahalaga, kahit magpakasal ka na sa babaeng minamahal mo, tuloy pa rin ang pagtangkilik mo sa pamilya mo. Sa palagay ko, wala naman silang ibang hinahangad at ipinagdarasal kundi ang maging maligaya ka habambuhay. Kaya kung saan ka maligaya, roon ka. 


Sa kabilang dako, huwag na huwag mong hindi ipagtapat sa pamilya mo ang lahat upang sa ganu’n hindi sila magtanim ng sama ng loob sa iyo. Natitiyak kong mauunawaan ka rin naman nila.

 

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page