top of page

Dalaga, nakokonsensya na sa pakikipagrelasyon kay father

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 19, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 19, 2023


Dear Sister Isabel,


Nagkagusto ako sa isang pari, pogi ito at bata pa. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na ‘di ma-inlove sa kanya. Araw-araw akong nagsisimba at sumali rin ako sa mga samahan sa simbahan upang mapansin niya.


‘Di naman nasasayang ang effort ko, dahil napansin niya rin ako. Hindi naman sa pagbubuhat ng sarili kong bangko, maganda at malakas ang aking charisma. Sa madaling salita, naakit at na-inlove rin siya sa akin. Nagkaroon kami ng lihim na relasyon. Masaya kami bagama’t nakaw lang ang pagtatagpo namin at pagpapahayag ng aming nararamdaman sa isa't isa. Kaya lang ay nakakakonsensya.


Sister Isabel, gusto ko na siyang hiwalayan, dahil hindi na kaya ng aking konsensya saka nag-aalala na ako baka magbunga ang pagmamahalan namin, at lalong lumala ang problema ko. Tulungan niyo ako sa dapat kong gawin.


Nagpapasalamat,

Caridad ng Bataan

Sa iyo, Caridad,


Salamat sa pagtitiwala mo sa akin tungkol sa problema mo. Ang masasabi ko sa iyo ay itigil mo na ‘yang kahangalan mo. Alalahanin mo pari ‘yang karelasyon mo, alagad ng Diyos. Mortal sin ‘yang ginagawa mo. Ngayon pa lang ay gumising ka na sa iyong kahangalan. Oo, hindi masama ang umibig pero ilagay mo sa tama.


Umalis ka na r’yan sa parokyang pinaglilingkuran mo. Makipagkalas ka na sa paring karelasyon mo. Sa palagay ko naman, matatanggap ng paring iyon ang pasya mo.


Hinihintay lang siguro niya na sa iyo manggaling ang pakikipaghiwalay. At palagay ko rin araw-araw siyang humihingi ng tawad sa Diyos dahil natukso siya sa iyo.


Makakahinga na ngayon siya ng maluwag. Makakaiwas na siya sa mabigat na kasalanang napasukan niya dahil sa pang-aakit mo. Hanggang dito na lang. Muli, kung iibig ka man siguraduhin mong hindi sa isang pari. Humingi ka ng tawad sa nagawa mong kasalanan upang matahimik na ang iyong kalooban.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page