Dagdag P5B sa calamity fund, inihihirit sa Kongreso

ni Thea Janica Teh | November 22, 2020

Hinihiling ng House of Representatives na dagdagan ang calamity fund ng P5 bilyon para sa 2021 upang magamit sa muling pagtatayo ng mga imprastrukturang masisira ng bagyong daraan sa ating bansa.
Sa inilabas na pahayag ni House Speaker Lord Allan Velasco, sinabi nito na magpapasa ito ng proposal sa mismong bicameral conference ng proposed P4.506 trilyong 2021 national budget.
Dagdag pa ni Velasco, naaprubahan na ang national budget para sa 2021 nang hagupitin ng Bagyong Rolly, Quinta at Ulysses ang ilang parte ng bansa kaya naman, kailangan itong taasan at baguhin upang maging handa sa susunod na taon.
Aniya, “Given the tremendous damage caused by these successive strong typhoons, it is imperative that we augment the calamity fund in next year’s spending plan. We have to help our people rebuild their lives and their communities.”
Base sa inilabas na report ng ilang ahensiya, umabot sa P35 bilyon ang halaga ng mga nasirang agrikultura at imprastruktura ng tatlong bagyo. Sa ipinasang calamity fund ng Kongreso kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto, nasa P20 bilyon ang inilaan dito, P5 bilyon para sa Marawi reconstruction at P6.25 bilyon para sa quick response ng 6 na ahensiya.
Kabilang dito ang Department of Education (P2 bilyon), Department of Agriculture (P1 bilyon), Department of Social Welfare and Development (P1.25 bilyon),Department of Public Works and Highways (P1 bilyon), Department of Health (P500 milyon) at Department of National Defense-Office of Civil Defense (P500 milyon). Ito umano ay may kabuuang P11.25 bilyon.
Ang matitira na lamang ay P8.75 bilyon na hahatiin sa pagtulong sa mga naapektuhan ng kalamidad at sakuna. Sa panahon ngayon, ayon kay Velasco, hindi umano ito sapat upang makatulong sa Bicol Region na lubos na naapektuhan ng Bagyong Ulysses.





Comments