by Info @Editorial | Nov. 5, 2024
Simula sa susunod na taon ay matatanggap na ang P10,000 cash gift mula sa pamahalaan ng mga Pilipinong nagdiwang ng kanilang ika-80, 85, 90 at 95 na kaarawan ngayong taon.
Matatandaang noong Pebrero nang pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang inamyendahang Centenarian Act. Sa ilalim ng naturang batas, makatatanggap pa rin ng P100,000 cash gift ang mga Pinoy, nasa Pilipinas man o abroad, na aabot sa 100 taon ang edad. Kaya ngayon pa lang ay pinapayuhan na ang mga senior o kanilang kaanak na magpalista at ihanda ang mga requirement na kakailanganin.
Sa ilalim ng batas, ang mga kaanak ng centenarians ay kailangang mag-submit ng mga pangunahing dokumento, tulad ng birth certificate at Philippine passport. Ito ay isusumite sa City o Municipal Social Welfare Office o sa Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) ng kani-kanilang lugar.
Kung sakali na wala ang dalawang nabanggit na dokumento, maaaring ipakita ang primary Identification Cards mula sa OSCA, Government Service Insurance System (GSIS), at Social Security System (SSS); driver’s license; Professional Regulations Commission (PRC) license; at Commission on Elections (Comelec) Voter’s ID.
Maaari rin umanong magsumite ng secondary documents ang mga kaanak ng centenarian, tulad ng marriage certificate, birth certificate ng anak ng centenarian.Sakali naman na sumakabilang buhay na ang centenarian, maibibigay pa rin umano ang cash gift sa mga anak o sa pinakamalapit na kamag-anak ng matanda.
Ang cash gift ay hindi lamang simpleng pondo, ito ay simbolo ng pagkilala at pagpapahalaga sa kontribusyon ng mga senior citizen. Dapat tayong magbigay-pansin sa kung paano natin pinapahalagahan ang kanilang mga sakripisyo at pag-aalaga sa ating mga komunidad.
Ang pamahalaan ay may responsibilidad na tiyakin na ang mga tulong na ito ay maabot ang tunay na nangangailangan.
Gayunman, may mga hamon na dapat harapin. Kadalasan, ang proseso ng pagkuha ng cash gift ay nagiging kumplikado at mahirap para sa mga nakatatanda. Ang mga kinakailangang dokumento ay nagiging sagabal sa kanilang pagkuha ng benepisyo. Dapat ang gobyerno ay gumawa ng mas madali at mas mabilis na proseso upang mas maraming senior citizen ang makikinabang.
Comments