Buking ang relasyon sa BF na may misis pala, mag-move on na lang para mas masaya

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 23, 2020
Dear Maestro,
Ang ilalapit ko sa inyo ay tungkol sa boyfriend ko. Maayos naman ang lahat hanggang isang araw, umuwi ‘yung misis ng boyfriend ko na nagtatrabaho sa abroad. Nagulat pa ako nang sinagot ko ‘yung tawag at babae ang kausap ko imbes na boyfriend ko. Sinabihan niya ako ng masasakit na salita kaya naiyak na lang ako. Simula noon, wala na rin akong text o tawag na natanggap sa kanya at ‘yung mga account niya ay naka-block na lahat. Mula noon, mag-iisang buwan na kaming walang komunikasyon kahit ano.
Litong-lito ako at hindi ko na alam ang gagawin ko kasi mahal na mahal ko siya at may nangyari na sa amin. Noong hindi pa umuuwi ang misis niya, masaya ang relasyon namin at ramdam kong mahal na mahal niya rin ako. Pero gumuho ang lahat nang biglang umuwi ang misis niya.
Iniisip ko na baka nagpapalamig lang siya at tatawagan niya rin ako o baka hinihintay niya lang na bumalik sa abroad ang misis niya at babalikan na niya ulit ako. Ang mga pagbabaka-sakaling ito ang tanging paraan para mawala ang sakit sa aking puso ngayon.
Maestro, pakitago ang aming mga birthday at tunay na address. Sana ay mabigyan n’yo rin ako ng magandang advice kung ano ang dapat kong gawin – ang maghintay o mag-boyfriend ng iba at ituring kong bangungot ang nangyari sa amin?
Umaasa,
Cindy ng Laguna
Dear Cindy,
Sayang at maayos sana ang relasyon n’yo ng boyfriend mo na may asawa na nagkataong nagta-trabaho sa abroad habang kayo naman ay lihim na nagsasalo sa isang bawal na relasyon. At sa rurok ng inyong kaligayahan, kapwa n’yo hindi namalayang umuwi ang misis niya at buti na lang, hindi ka personal na pinuntahan at kinumprota dahil kung ganu’n, tiyak na hindi lang mura at masasakit na salita ang inabot mo, bagkus, baka higit pang sakit at problema ang maaaring naganap.
Samantala, minsan ay ganyan talaga ang buhay. ‘Ika nga, walang lihim na hindi nabubunyag, pero siyempre, darating ang panahong malalaman din ng misis o asawa ng boyfriend mo ang lihim n’yong relasyon at hindi nagtagal, magkakabistuhan na siya na ngang nangyari sa kasalukuyan.
Subalit kahit nabisto na ang lihim n’yong ugnayan, hindi pa naman tapos ang lahat dahil bata ka pa at maganda. ‘Ika nga, makapagmu-move on ka at magagawa mo ‘yan.
Para madaling makapag-move on, isipin mo na masakit talaga ang mga pangyayaring naganap dahil bago o sariwa pa sa isip at sa puso mo ang mga nangyari. Subalit, siguradong paglipas ng mga ilang buwan at taon, parang sugat na nahiwa ng kutsilyo kapag nagbabalat ka ng sibuyas, unti-unti na ring maghihilom, gagaan at gagaling nang tuluyan ang sugat sa puso mo. Kaya muli, ang isipin mo ngayon ay ang pagmu-move on kung sakaling hindi na bumalik pa ang boyfriend mo.
Ang isa sa pinakaepektibong paraan upang makalimot ay ang makipagkaibigan ka sa ibang mga lalaki. Mag-entertain ka ulit ng mga bagong manliligaw at sa susunod na pakikipagrelasyon, pumili ka ng binata upang sa sandaling nagkamabutihan kayo, dire-diretso na ang kasal at pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.
Ayon sa zodiac sign mong Scorpio sa birth date na 13 o 4 (ang 13 ay 1+3=4), sa susunod na pakikipagrelasyon, humanap ka ng binata o walang asawa na ka-compatible mo talaga. Sila ang mga lalaking isinilang sa zodiac sign na Cancer, Pisces, Taurus at Aries, na may birth date na 7, 16 at 25. Sila ang higit mong ka-compatible kung saan sa sandaling nakipagrelasyon ka, makararanas ka na ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.
Sa ganyang paraan, ‘pag pumili ka ng tamang lalaki at mapapanatag na ang puso mo, gayundin, higit kang magiging maligaya at magkakaroon ng simple pero masaya at panghabambuhay na pamilya na nakatakdang mangyari sa 2021 sa buwan ng Nobyembre, sa edad mong 24 pataas.




Comments