Bilyonaryong Mafia ang Mahal Ko (35)
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 18, 2024

Marahas na buntong hininga ang pinawalan ni Pedro. Hindi niya maiwasan ang mag-alala para sa kalagayan ng kanyang anak na si Via. Hindi man niya ito kadugo, itinuring niya pa rin ito bilang isang anak.
Dahil sa sabikan magkaroon ng anak, ibinuhos niya sa dalaga ang kanyang pagmamahal at buong atensyon.
Sabi pa nga niya dati, kikilatisin niya ang mga magtatangkang manligaw kay Via, para umano hindi ito maloko. Pero, siya rin pala ang magpapahamak kay Via.
Unang kita pa lang niya kay Nhel Zamora, may kaba na agad siyang naramdaman. Wala naman siyang pakialam sa apelyido nito, pero kinabahan siya nang makita niya ang mukha nito. Para kasing nakikita niya rito ang kanyang hitsura nu’ng siya’y binata pa.
Napatotohanan niya ang kanyang hinala nu’ng mag-iwan ito ng banta sa kanya na si Via ang gusto niyang kabayaran.
Hindi rin naman kasi niya ine-expect na nagawa niya palang buntisin si Marie na siyang ina ngayon ni Nhel. Kung nalaman lang sana niya, paniguradong itatanan at papakasalan niya ito. Kahit pa sabihing ayaw sa kanya ng pamilya nito. Iyon nga lang hindi rin niya tiyak kung sasama sa kanya si Marie. Kahit na ramdam niya ang pagmamahal nito sa kanya, ‘di pa rin siya nakakasiguro na kaya siya nitong ipaglaban.
Mayaman ang mga Zamora kaya hindi papayag ang mga ito na maging parte siya ng kanilang pamilya.
“Anong gagawin ko ngayon?” Nalilitong tanong niya.
Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Hindi rin kasi niya alam ang kanyang gagawin. Basta ang alam niya kailangan niyang mabalaan si Via. Pero, tiyak din niya na yayabong ang galit sa kanya ng kanyang anak.
“Eh, ano naman?” Inis niyang tanong sa sarili.
Ipinilig niya ang kanyang ulo. Wala naman talaga siyang pakialam sa galit ni Nhel Zamora, kundi lang niya nalaman na tunay niya pala itong anak, at hindi rin niya gugustuhin na habambuhay magagalit ito sa kanya.
Itutuloy…





Comments