top of page

Babaeng pumayag maging 3rd wife… Stress dahil pambubugbog ni mister, ‘di na keri

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 23, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 23, 2023


Dear Sister Isabel,


Nawa’y lagi kayong masaya at ligtas sa anumang uri ng karamdaman. Sumangguni ako sa inyo dahil alam kong mabibigyan n’yo ko ng tamang payo ukol sa problemang dinaranas ako ngayon.


May dyowa ako ngayon, muslim at nabibilang siya sa mataas na angkan sa lipunang kanyang ginagalawan.


May kaya siya sa buhay, at dalawa na ang nauna niyang asawa, kung papayag umano akong maging bahagi ng kanyang buhay ay magiging pangatlo na ako. Mahal ko siya kaya pumayag akong maging 3rd wife, pero napakahirap pala ng ganitong sitwasyon.


Ngayon ko lang nalaman na napakaseloso at nananakit din pala siya. Ang tingin niya sa akin ay parang kasangkapan o laruan na puwede niyang gawin kung ano ang gusto niyang naisin.


Hindi ko maramdaman sa kanya ang pagmamahal na hinahanap ko sa magiging asawa ko.


Gusto ko na siyang hiwalayan pero natatakot ako na baka bugbugin niya na naman ako.


Sister Isabel, ano ba ang dapat kong gawin? Hirap na hirap na ako sa piling ng asawa kong muslim. Nawa’y mabigyan n’yo ako ng kaukulang payo sa problemang kinakaharap ko.


Nagpapasalamat,

Thelma ng Sorsogon


Sa iyo, Thelma,


Ayan na nga ba ang sinasabi ng matatanda tungkol sa pag-aasawa. Makakabuting sabihin mo sa mga magulang ng asawa mo ang dinaranas mo sa piling ng kanilang anak, sila ang kakausap sa anak nila upang maging maayos ang relasyon n’yo.


Sa kaugaliang Muslim, malaki ang respeto ng mga anak sa kanilang magulang, susundin nila ito sa lahat ng bagay na inuutos sa kanila. Sabihin mo na rin na gusto mo nang makipaghiwalay, hindi mo na umano kayang pakisamahan ang kanilang anak.


Sa ganyang paraan, aayusin ng mga magulang niya ang lahat. Sa palagay ko naman ay hindi na makakatutol ang asawa mong muslim kung ang mga magulang niya mismo ang makikiusap sa kanya.


Tutal naman ay may dalawa pa siyang asawa bukod sa iyo, gawin mo na ito agad bago pa lumala ng husto ang pambubugbog at pagmamaltrato sa iyo.


Lakip ko ang dalangin na maging maayos ang pakikipag-usap ng mga magulang ng asawa mo sa kanilang anak. Lahat ng problema'y may kalutasan, huwag kang masyadong malungkot. May awa ang Diyos, lapitan mo siya at matuto kang magdasal upang maging magaan ang mga pasanin mo sa buhay.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page