ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | June 9, 2024
Dear Sister Isabel,
Hindi ko alam kung paano ko uumpisahan ang kuwento na gusto kong ibahagi sa inyo, dahil naguguluhan ako sa sitwasyon ko ngayon.
Ang hirap pa lang magpakabanal no? Dati akong makasalanan ngunit dahil gusto kong magbago at mabawasan kahit kaunti ang mga nagawa kong kasalanan noon, pilit kong binabago ang mga bagay na nakasanayan ko noon.
Marami ako naging boyfriend at kahit pamilyadong tao ay pinapatulan ko. Okey lang din sa akin ang maging isang kabit. Pero ngayon, pinagsisisihan ko na ‘yun.
Narito ako ngayon sa probinsya para magbagong buhay, ngunit nag-uumpisa pa lang ako ay nakunsumi na agad ako sa kapitbahay namin, palibhasa hindi sila mga nakapagtapos ng pag-aaral kaya wala na para sa kanila ang mang-apak ng ibang tao.
Palagi silang nakaharang sa gate namin, kahit na alam naman nilang doon kami dadaan. Sila pa ang galit at nakasimangot kapag dumadaan ako para lumabas.
Sinisikap ko namang magtimpi, pero dumating na nga sa puntong nakapagsalita ako, at hindi nila nagustuhan ang mga sinabi ko.
Mula noon, hindi na sila humarang sa gate namin upang doon mismo maglagay ng silya at magtsismisan. Hindi ko alam kung matutuwa ako o hindi sa nangyari. Nagi-guilty din ako dahil hindi ko sila nakasundo.
Ano ba ang gagawin ko para mawala ang guilt na nararamdaman ko ngayon?
Nagpapasalamat,
Leonora ng Pasig City
Sa iyo, Leonora,
Napakahirap talagang magpakabanal, ngunit kung talagang gusto mong magpakabanal ang una mong dapat matutunan ay ang kasabihan na, “Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay,” ibig sabihin, mag-isip ka ng bagay na ikagagaan ng loob ng kapitbahay mo para sila mismo ang mahiya at makaramdam na mali ang ginagawa nila.
Kapag may handaan sa inyo, bigyan mo sila ng handa o kaya naman kapag nagluto ka ng masarap na ulam, ipatikim mo rin sa kanila, puwede mo rin silang bigyan ng ukay-ukay mong damit na halos bago pa.
Ang mga ganyang tao ay walang pinag-aralan, at karamihan sa kanila ay mababaw lang ang kaligayahan. Tiyak na matutuwa sila kapag ginawa mo ‘yang mga pinapagawa ko sa iyo.
Sa palagay ko, sila na ang kusang mahihiya, hindi na tatambay at haharang sa gate n’yo.
‘Yan ang ibig sabihin na kapag binato ka ng bato, batuhin mo rin ng tinapay.
Hanggang dito na lang, sumaiyo nawa ang kapayapaan at tuluy-tuloy mong tahakin ang matuwid na landas ng buhay na gusto mong mangyari sa iyo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments