top of page

Anak na ayaw nang mag-pari, ayaw palabasin sa seminaryo

  • BULGAR
  • Mar 9, 2022
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | March 9, 2022


Dear Sister Isabel,


Nais ko ring hingin ang payo n’yo tungkol sa kaisa-isa kong anak na lalaki. Gusto niya at kami ring parents niya na nag-pari siya, kaya in-enroll namin siya sa seminaryo para magpari. Sa umpisa ay okay naman daw ang kalagayan niya ru’n, pero kamakailan ay nagbago ang isip niya.


Hindi na raw niya tatapusin ang kurso niya at gusto na raw niyang lumabas sa seminaryo at kumuha ng ibang kurso.


Hindi namin alam kung bakit siya nagkaganu’n, gayung isang taon na lang ay ganap na siyang pari. Nanghihinayang kami sa nagastos namin dahil napakamahal ng tuition fee niya, pero kinaya namin. Ang sabi namin sa kanya ay ituloy na lang ang pagpapari, pero ayaw talaga niya. Lalabas na raw siya sa seminaryo upang maging simpleng tao na malayang magagawa ang gusto at hindi gaya ng pari na hindi puwedeng mag-asawa at lumigaya sa piling ng kanyang pamilya.


Ano ang dapat kong gawin, payagan na siyang lumabas sa seminaryo upang hindi na ituloy ang pagpapari o patuloy siyang payuhan na ituloy ito dahil mas pagpapalain siya ‘pag naging pari na siya?


Umaasa ako na mabibigyan n’yo ako ng kaukulang payo tungkol sa bagay na ito.


Nagpapasalamat,

Brenda ng Lipa, Batangas



Sa iyo, Brenda,


Ang kursong pagpapari o ang pagiging pari ng isang tao ay hindi sapilitan, kailangang bukal sa kalooban ng tao na maging pari at Diyos lamang ang nakakaalam kung sino ang tinatawag o pinipili Niya para maging alagad ng Diyos dito sa lupa.


Sa madaling salita, may calling ang nilalang na gusto ng Diyos na maging pari. Nasa tiyan pa lang siya ng ina niya ay nakaprograma na sa ‘master plan’ ng Diyos kung sino ang Kanyang mga hinirang.


Sa kabilang dako, kung ayaw ng anak mong ipagpatuloy ang pagpapari, ibig sabihin ay hindi siya nakalaan doon, kumbaga, wala siyang calling. Makabubuting sundin mo na lamang ang gusto ng anak mo. Dapat ka pa ngang matuwa dahil hangga’t maaga ay napag-isip-isip niya na hindi ‘yun ang gusto niya.


Gayunman, ang paglilingkod sa Diyos ay maipapakita, hindi lamang sa pagiging pari kundi sa pagmamahal mo sa iyong kapwa sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na kalugod-lugod sa mga mata ng Diyos.


Natitiyak ko na mas marami pa ang mapaglilingkuran niyang kapwa sa labas ng seminaryo kaysa pagiging pari kung natuloy siya ru’n. Napag-isip-isip niya marahil na hindi lamang sa pagiging pari maipapakita at maipadarama ang paglilingkod sa Diyos at kapwa, kundi mas magagawa niya ito sa labas ng seminaryo at hindi gaya ng pari na maraming bawal.


Nawa’y naunawaan mo ang mga sinabi ko. Payagan mo nang lumabas ang anak mo sa seminaryo at mabuhay nang normal na ang layunin ay maglingkod sa kapwa at gumawa ng mga bagay na alam niyang ikasisiya ng Diyos.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page