Akala'y prince charming na… Dalaga, lalong minalas sa lalaking napusuan
- BULGAR
- Jul 22, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 22, 2023
Dear Sister Isabel,
Tindera ako ng gulay sa palengke, bata palang ako ito na ang aking hanapbuhay. Ang hindi ko maintindihan Sister Isabel, kung bakit parang madamot sa akin ang tadhana.
Walang katapusan ang problema ko. Akala ko ay matatapos na ang pasanin ko sa buhay ng matagpuan ko ang lalaking nagpatibok ng puso ko, 'yun pala ay lalo lang akong masasadlak sa problema.
Lalo akong nabaon sa utang. Kailan kaya ako mahahango sa ganitong kalagayan?
Parang wala na akong karapatang lumigaya at yumaman.
Ano sa palagay n'yo Sister Isabel, ang dapat kong gawin para masagap ko ang magandang kapalaran? 'Yung tipong hindi na ko luluha kailanman. Yung tipong mahahango na ako sa kahirapan.
Hanga ako sa mga payo n'yo sa lahat ng sumasangguni sa inyo kaya naisipan kong dumulog sa inyo. Ipagdasal n'yo ako na matapos na ang mga problemang aking dinadala na para bang pasan ko ang mundo.
Nagpapasalamat, Dolores ng Tondo
Sa iyo, Dolores,
Maraming salamat sa pagsangguni mo sa akin. Nakakataba ng puso na marinig sa iyo na malaki ang tiwala mo sa akin na mabibigyan kita ng kaukulang payo sa problema mo.
Lagi mong isipin, ang buhay sa mundo ay sadyang ganyan. Lahat ay dumadaan sa matinding problema. Patay lang ang walang problema. Buhay ka pa at may posibilidad pa na ma-enjoy mo ang iyong buhay dito sa mundong ibabaw.
Mamuhay ka ng naaayon sa kalooban ng Diyos. Tahakin mo ang tamang landas. Pulutin ang mabuti, at ang masama'y iwaksi. Kung susunod ka ng walang alinlangan sa mabuting asal, walang dahilan upang hindi ka gantimpalaan ng Diyos.
Marahil ay kulang ka sa dasal. Marahil ay hindi ka lang nagsisimba kahit minsan man lang sa iyong buhay. Marahil ay hindi ka rin nagdarasal bago matulog. At marahil ay bilang tindera sa palengke, hindi mo rin maiwasan makipagtsismisan. Gawin mong sentro ng buhay mo ang Diyos Ama sa langit. Natitiyak kong pagpapalain at giginhawa ka. At kung puwede ibahin mo na ang tinda mo. Mas maigi pa siguro kung fishball, kikiam, kwek-kwek at iba pang street foods.
Pumuwesto ka r'yan sa harap ng bahay n'yo. Maging positibo ka, iwasan mong pumasok sa iyong isipan ang mga negatibong bagay.
Diskarte, kasipagan, kabutihan ng puso at kalooban ang kailangan mo upang magtuluy-tuloy ang iyong pag-asenso. Higit sa lahat panalangin at pagdarasal sa Diyos na siyang nagbibigay ng grasya at pagpapala sa mga taong kanyang kinalulugdan dito sa lupa. Nawa'y nasiyahan ka sa aking payo. Gawin mo na ito agad. Sumaiyo nawa ang walang hanggang pagpapala at mga biyaya ng Diyos.
Sumasaiyo, Sister Isabel del Mundo







Comments