After 25 years… Ina, gustong mayakap at mahalikan ang nawalay na anak
- BULGAR
- Jun 21, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 21, 2023
Dear Sister Isabel,
Magandang buhay sa inyong lahat d’yan.
Ang problema ako ay kinidnap ng ex-live-in partner ko ang anak ko, at itinago sa akin.
‘Di ko alam kung saan niya ito dinala, pero laking pasasalamat ko Facebook dahil dito ay natunton ko kung nasaan sila.
25-years din ang nakalipas, sa wakas ay nagkausap din kami ng anak ko, sa awa ng Diyos wala itong sama ng loob sa akin. Naunawaan umano niya ang mga pangyayari.
Sabik na akong makasama siya kahit isang linggo lamang, pero mukhang malabo itong mangyari. Ayaw niya kasing saktan ang kalooban ng nakilala niyang ina, walang iba kundi ang tunay na asawa ng ama niya na siyang nakabuntis sa akin.
May asawa na pala ang lalaking ‘yon. Ang sabi niya sa akin ay binata at wala raw siyang pamilya kaya nagtiwala ako, hanggang sa nagbunga ito.
Ano kaya ang dapat kong gawin para kahit man lang ilang araw ay mayakap at mahalikan ko ang aking anak?
Labis akong nangungulila. Tulungan niyo ako kung ano ang dapat kong gawin upang makapiling ko ang aking anak ng maluwag sa kanyang kalooban na hindi pinagbabawalan ng nakilala niyang ina na nag-alaga sa kanya noong siya'y bata pa.
Umaasa,
Donita ng Aklan
Sa iyo, Donita,
Ang buhay ay parang pelikula, kani-kanyang drama. Tanggapin mo na lang maluwag sa iyong kalooban ang drama ng iyong buhay at higit sa lahat, kumapit ka sa Diyos. Siya ang nakakaalam ng tamang panahon para sa inyong dalawa ng anak mo. Siya ang lumikha ng anak mo sa iyong sinapupunan, instrumento ka lang. Kaya, siya rin ang nakakaalam ng tamang panahon para makapiling at makasama mo siya. Pagpatuloy mo ang pakikipag-ugnayan sa anak mo. Gawin mo ang lahat upang gumaan ng husto ang loob niya sa iyo, Tiyaga lang, papabor din ang kapalaran sa iyo. Tuluy-tuloy lang ang pagdarasal. Isang araw, magugulat ka na lang, dahil nasa harapan mo na ang iyong nawalay na anak at siya mismo ang hindi aalis. Imposibleng mangyari pero sa Diyos, walang imposible. Lahat ay magaganap ayon sa kanyang master plan dito sa sangkalupaan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo







Comments