72-anyos, 'di na keri mag-alaga ng apo
- BULGAR
- Jul 10, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 10, 2023
Dear Sister Isabel,
Kumusta kayo r'yan sa Bulgar? Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan. Ang problema kong isasangguni sa inyo ay tungkol sa anak ko.
Mayroon na siyang asawa't anak, at nakatira sila rito sa amin. Wala pa silang sariling bahay dahil maliit lang ang sinusuweldo nilang mag-asawa, pareho silang namamasukan bilang ordinaryong manggagawa.
Ako ang nag-aalaga sa anak nila. Naawa ako dahil wala silang ipapangsuweldo kung sakaling kukuha sila ng yayang mag-aalaga para sa kanilang anak.
Ang masaklap lang ay matanda na ko, 72-years-old na ako at marami na ring nararamdaman sa katawan pero 'di lang halata, dahil magaling akong magdala. Kahit may iniinda na ako sa aking katawan ay nakangiti pa rin ako. Pero sa totoo lang hindi ko na kayang mag-alaga.
Paano ko kaya sasabihin sa anak at manugang ko na huwag na nila akong asahan maging yaya ng apo ko?
Baka kasi magtampo, sumama ang loob at tuluyang magkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan.
Ano kaya ang mabuti kong gawin? Paano ko kaya sasabihin ito sa magandang pananalita ang problemang gusto kong ipahayag sa kanila? Sana ay matulungan n'yo ko. Hihintayin ko ang sagot n'yo.
Nagpapasalamat,
Nanay Thelma ng Malabon
Sa iyo, Nanay Thelma,
Maraming salamat sa pagsangguni mo tungkol sa problemang iyong kinakaharap. Sa palagay ko ay makabubuting sabihin mo sa anak mo na hindi mo na kakayaning mag-alaga pa, dahil may nararamdaman ka na sa katawan mo. Pagtapat mo sa kanilang mag-asawa na gustuhin mo mang-alagaan ang apo mo ay hindi na puwede.
Sa palagay ko ay mauunawaan ka rin nila at gagawa sila ng paraan para may mag-alaga sa anak nila. Ang intindihin mo ay ang sarili mo. Wika mo nga, may mga nararamdaman ka na sa katawan mo. Magpatingin ka sa doctor at sundin mo ang kaukulang payo sa iyo.
Sa palagay ko naman ay magagawan ng paraan ng anak mo na huwag na ikaw ang maging yaya ng kanilang anak. Maaari nilang hingan ng tulong ang side ng asawa niya na sila namang mag-alaga sa anak nila.
Sila na ang bahalang gumawa ng paraan kung sino ang magiging yaya ng apo mo.
Ipagdasal mo na lang na malutas ng maayos ang pinoproblema mo. Huwag kang masyadong magdamdam kung medyo magbago ang pagtingin nila sa iyo. Talagang ganyan ang buhay. Unawain mo na lang, umaasa akong maging maayos ang lahat. Lakip nito ang dalangin ko na maging malawak ang isipan ng anak mo sa kinakaharap ninyong sitwasyon sa kasalukuyan.
Lahat ng problema ay may kalutasan kaya huwag kang masyadong mag-alala.
Mailalagay sa ayos ang lahat sa awa at tulong ng Diyos. Ugaliin mong tumawag sa kanya sa lahat ng sandali.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo







Comments