top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

7 sabungero, huli sa tupada

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 27, 2024
2 min read

News @Balitang Probinsiya | June 27, 2024



Aklan — Pitong sabungero ang inaresto ng pulisya kamakalawa sa isang tupadahan sa Brgy. Ochando, New Washington sa lalawigang ito.

Hindi na muna pinangalanan ng mga otoridad ang mga suspek habang iniimbestigahan pa ang mga ito. 


Ayon sa ulat, may nagbigay impormasyon sa mga otoridad na may mga nagsasagawa ng ilegal na sabong sa naturang lugar kaya agad itong sinalakay ng mga operatiba at dito nadakip ang pitong suspek, samantalang mabilis na nakatakas ang iba pang sabungero.


Nakakumpiska ang mga operatiba ng mga manok na panabong, cash at mga tari sa lugar na pinagdausan ng ilegal na sabong.


Nakapiit na ang mga suspek na nahaharap sa kasong illegal gambling, habang pinaghahanap pa ng pulisya ang ibang nakatakas na sabungero.



11 TERORISTA, SUMURENDER


MAGUINDANAO DEL SUR – Nasa 11 miyembro ng teroristang Dawlah Islamiya (DI) ang sumuko sa pamahalaan kamakalawa sa bayan ng Datu Piang sa lalawigang ito.


Para sa kanilang seguridad ay hindi na pinangalanan ng mga otoridad ang mga sumukong terorista na pawang miyembro ng DI na nakabase sa lalawigan.


Ayon sa ulat, isinuko rin ng mga terorista ang mga dala nilang armas at pampasabog.

Sinabi ng mga naturang terorista na nais na nilang magbagong buhay kaya nagbalik-loob sila sa gobyerno.


Isinasailalim pa sa taktikal na interogasyon ang 11 sumurender na terorista upang matiyak na bukal sa kanila ang pagbabalik-loob sa pamahalaan.



MOST WANTED NA KILLER, ARESTADO


ILOILO -- Isang most wanted na killer ang nadakip ng mga otoridad kamakalawa sa kanyang hideout sa Brgy. Yabon, Janiuay sa lalawigang ito.

Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Edmer Lacena, 28, at pansamantalang nakatira sa nabanggit na barangay. 

Ayon sa ulat, inaresto ng pulisya ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kasong murder sa lalawigan.

Nabatid na matagal nang pinaghahanap ng pulisya ang suspek at kamakalawa lang ito natiyempuhan.

Sumama naman ang suspek sa pulisya nang dakpin siya ng mga operatiba sa nasabing barangay.



MAGSASAKA, PATAY SA KIDLAT


NEGROS OCCIDENTAL -- Isang magsasaka ang namatay nang tamaan ng kidlat kamakalawa sa bukirin na sakop ng Brgy. Cambarus, Pontevedra sa lalawigang ito.


Ang biktima ay kinilalang si Neil Sarmiento, nasa hustong gulang, residente ng nabanggit na barangay.


Ayon sa ulat, habang nasa bukid si Sarmiento at ibang magsasaka ay biglang bumuhos ang ulan at kasunod ang pagkidlat na tumama sa biktima.  


Agad dinala ng mga kasamahan niyang magsasaka si Sarmiento sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival. 


Sa pagsusuri ng mga otoridad ay nabatid na nagkaroon ng 3rd degree burns sa katawan ang biktima dulot ng tama ng kidlat na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.


 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page