News @Balitang Probinsiya | August 3, 2024
PUERTO PRINCESA CITY -- Apat na drug pusher ang nadakip sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa isang drug den sa Brgy. San Pedro, sa lungsod na ito.
Kinilala ang mga suspek na sina Roger Flores, Cris Dayap, Babyfin Constantino at Charlene Bailo, pawang nasa hustong gulang at mga nakatira sa naturang barangay.
Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na ginagawang drug den ang isang bahay sa naturang barangay kaya agad itong sinalakay at dito nadakip ang mga pusher.
Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng limang pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.
Nakapiit na ang mga suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.
3 katao, sugatan sa semplang
PALAWAN -- Tatlong katao ang sugatan nang sumemplang ang kinalululanan nilang motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Maasin, Quezon sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ang tatlong biktima hangga’t hindi pa naipapabatid sa kanilang pamilya ang naganap na aksidente.
Batay sa imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol ang rider sa pagmamaneho ng motorsiklo habang sakay ang dalawang backrider kaya sumemplang sila sa nabanggit na barangay.
Nabatid na nagkaroon ng malaking pinsala sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan ang mga biktima.
Agad dinala ng mga saksi ang mga biktima sa ospital at sa kasalukuyang inoobserbahan pa.
Kelot, tinodas ng riding-in-tandem
LAGUNA -- Isang 39-anyos na lalaki ang namatay nang pagbabarilin ng riding-in-tandem kamakalawa sa Brgy. Looc, Calamba City sa lalawigang ito.
Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay nakilalang si Kenneth Villadores, residente ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat, naglalakad si Villadores nang biglang sumulpot ang dalawang hindi kilalang suspek na sakay sa isang motorsiklo at agad pinagbabaril ang biktima.
Matapos tiyaking patay na ang biktima ay saka mabilis na tumakas ang mga salarin.
Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang mga suspek.
Purok president, kritikal sa sunog
BACOLOD CITY -- Isang lalaking purok president ang nasa kritikal na kondisyon sa naganap na sunog kamakalawa sa Purok Kingfisher, Brgy. 16 sa lungsod na ito.
Ang biktima ay kinilala lang sa pangalang Alejandro Piad, nasa hustong gulang at purok president sa nasabing lugar.
Ayon sa ulat, nag-umpisa ang sunog sa inuupahang bahay ng isang Gerald Arroyo, nasa hustong gulang at nadamay ang 14 pang kabahayan, kabilang ang tahanan ni Piad.
Napag-alaman na nagtamo si Piad ng 3rd degree burns sa katawan at ginagamot na sa ospital.
Makalipas ang ilang oras ay naapula rin ng mga bumbero ang apoy sa lugar.
Comments