3 Sabungero timbog sa tupada
@Balitang Probinsiya | August 10, 2022
ALBAY—Tatlong sabungero ang inaresto ng pulisya kamakalawa sa tupadahan sa Bgy. Taysan, Legazpi City.
Nakilala ang mga suspek na sina Arnold Asiado; Eleuterio Austria at Henry Bunan, pawang nasa hustong gulang at mga residente sa naturang lungsod.
Ayon sa ulat, may nagbigay-impormasyon sa mga awtoridad na may mga nagsasagawa ng ilegal na sabong sa naturang lugar kaya agad itong sinalakay ng mga operatiba at dito nadakip ang tatlong suspek, samantalang mabilis na nakatakas ang iba pang sabungero.
Nakakumpiska ang mga operatiba ng mga manok na panabong, cash at mga tari sa lugar na pinagdausan ng ilegal na sabong.
Nakapiit na ang mga suspek na nahaharap sa kasong illegal gambling, samantalang pinaghahanap pa ng pulisya ang ibang nakatakas na sabungero.



Comments