Magulang ng 10-anyos na namatay dahil sa dengue shock syndrome kahit naturukan dengvaxia, duda na ba
- Daing Mula sa Hukay
- Jun 19, 2020
- 4 min read
Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya
Kasabay ng daing ng mga buhay na biktima, umaalulong ang daing mula sa mga namatayan. Kaya ang kasabihang “The truth will set you free” ay bibigyan ng kahulugan ng pamilya Flordeliz ng Mauban, Quezon at koneksiyon sa kanilang buhay ay maaaring masabi nila na “Ang katotohanan ay mapagpalaya sa kapahamakan at ang kawalan nito ay naghahatid ng peligro.” Sa kasamaang-palad, ang negatibong bahagi ng nabanggit na kasabihan ang naranasan ng pamilya Flordeliz at ito ay dahil sa kawalan nila ng kaalaman hinggil sa buong katotohanan sa isyung pangkalusugan na kinasangkutan ng kanilang anak na si Charmel T. Flordeliz, na pinaniniwalaang may kaugnayan sa ibinakuna rito.

Si Charmel, anak ng mag-asawang Ricky at Eleonor T. Flordeliz ay 10-anyos lamang nang pumanaw noong Mayo 9, 2017. Siya ang ika-20 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) na consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.
Si Charmel ay nabakunahan ng Dengvaxia sa isang eskuwelahan sa Mauban, Quezon. Ang unang bakuna ay naganap noong Abril 25, 2016 at ang pangalawa ay noong Disyembre 7, 2016. Napansin ni Gng. Flordeliz na nangitim ang labi ni Charmel at namutla ito noong nabigyan ng pangalawang bakuna. “Pero...” ani Aling Eleonor, “sa kagustuhan ko na mabigyan ng proteksyon si Charmel ay sinabihan ko pa rin siya na isang turok na lang, kaunting tiis na lang.” Ngunit noong Enero 8, 2017, nagreklamo si Charmel na masakit ang kanyang mga kasu-kasuan at ulo. Naging madalas din ang pagrereklamo niya na may masakit sa katawan niya. Pagpasok ng Mayo 2017, nadagdagan ang mga nararamdaman ni Charmel, hanggang sa naging seryoso ang kanyang kondisyon na humantong sa kanyang pagkamatay. Narito ang ilang kaganapan kay Charmel sa iba’t ibang petsa ng Mayo 2017:
Mayo 6, 2017 - May lagnat at sumasakit ang tiyan niya. Hindi na rin siya makakain at nakakatulog lamang siya kapag kinakalong. Nagpatuloy ang nararamdaman niyang pagsakit ng paa. Lumaki ang maga rito hanggang umabot na sa binti.
May 8, 2017 - May malalaking rashes sa kanyang katawan. Pinatingnan siya sa albularyo. Binigyan si Charmel ng kanyang ina ng herbal medicines na galing sa albularyo.
Mayo 9, 2017 - Nagpatuloy ang pagsusuka ni Charmel, bigla na lamang tumirik ang mga mata niya. Dinala siya sa ospital kung saan pinapili sila ng doktor. Pinili nila ang diumano’y pinakamagaling na doktor doon, subalit hindi pala ito naka-duty nang araw na ‘yun. Walang tumingin kay Charmel kahit namimilipit na siya sa sakit ng kanyang dibdib. Nagsuka siya ng mapula-pula. Nagtanong ang ina ni Charmel kung bakit wala pa ang napili nilang doktor, ang sagot sa kanila: “Mino-monitor na siya ni Doc.”
Hindi pa rin dumating ang naturang doktor, hanggang sa sumigaw nang malakas si Charmel dahil masakit na masakit na diumano ang kanyang dibdib. May lumapit na nurse at in-intubate siya kahit labag sa kalooban ng kanyang ina. Noong araw na ‘yun, binawian ng buhay si Charmel. Pagkatanggal ng mga aparato sa katawan niya, may lumabas na dugo mula sa kanyang bibig at ilong. Lumitaw din diumano ang mga litid at ugat sa kanyang katawan na kulay itim at violet.
Sa pagkamatay ni Charmel, dumagdag sa dalamahati nina G. at Gng. Flordeliz ang hindi pagdating ng pinili nilang doktor sa mga oras na naghihirap si Charmel at dumating lamang ito noong malamig na bangkay at wala na siyang buhay. Tinanong ni Mang Ricky kung ano ang ikinamatay ni Charmel, ang sagot nito ay Dengue Shock Syndrome. Sabi naman ni Mang Ricky: “Papaano naman magkakaroon ng dengue si Charmel, meron po siyang bakuna laban sa dengue? Dalawa na nga po ang turok sa kanya.” Sagot ng kausap niyang doktor: “Ewan ko, hindi ko rin alam.” Narito ang reaksiyon ng mag-asawang Ricky at Eleonor sa sinabi ng naturang doktor at sa pagkamatay ni Charmel:
“Nabigla kaming mag-asawa na namatay dahil sa dengue si Charmel dahil kaya nga pumayag kaming mabakunahan siya ng bakuna pangontra sa dengue ay dahil nanininiwala kaming mabibigyan si Charmel ng proteksiyon, subalit iba ang nangyari. Naaalala ko na ayaw ni Charmel na magpabakuna dahil masakit daw, pero pinilit ko pa siya dahil ang sabi ko ay makabubuti sa kanya ‘yun. Kung alam lang namin na hindi pala ‘yun makabubuti sa kanya – bagkus ay magiging sanhi ng kanyang kamatayan—ay hindi na sana kami pumayag.
“Habang ipinagluluksa namin ang kamatayan ni Charmel, naglalabasan din ang mga balitang hindi makabubuti ang Dengvaxia sa mga batang hindi pa nagkakaroon ng dengue. Doon na nasagot ang aming mga tanong kung paano namatay sa dengue si Charmel, samantalang meron siyang bakuna kontra rito.
“Napagpasyahan naming mag-asawa na humingi ng tulong sa Public Attorney’s Office para malaman ang tunay na dahilan ng biglaang pagkamatay ni Charmel. Kasama na rito ang aming hiling na mabigyan kami ng tulong legal para maipaglaban naming mag-asawa ang kamatayan ng aming anak.”
Naisulat sa itaas kung paano tinugunan nila ang mga unang manipestasyon ng karamdaman ni Charmel. Kung sila ay nabigyan ng sapat na impormasyon ukol sa nabanggit nang common pattern of four serious adverse effects ng naiturok sa kanilang anak, nagabayan sana sila sa pagpapatibay ng immune system nito, ganundin sa angkop na medikasyon sa kondisyon ng kanilang anak. At kung nalaman na nila ang mga ito bago nabakunahan si Charmel, hindi nila itataya sa naturang kemikal ang buhay ng kanilang anak.
Ang mapagpalayang katotohanan ay patuloy na ipinaglalaban ng PAO sa mga kaso ni Charmel at tulad niyang mga biktima. Ang mapagpalayang katotohanan ay magsisilbing daan sa pagkakamit ng katarungan.





Comments