Munzon, Pasaol, Tautuaa at Perez, pipigain ng Serbia sa FIBA 3X3
- A. Servinio
- Jun 13, 2020
- 2 min read

ANG Novi Sad ng Serbia ang isa sa mga aabangan na koponan sa 2020 FIBA 3X3 World Tour Manila Masters ngayong Agosto 15 at 16 sa SM Megamall. Subalit malaking balita ang pagpapasailalim sa operasyon sa tuhod ngayong linggo ng isa sa kanilang bituin na si Dejan Majstorovic.
Nasaktan ang tinaguriang “The Maestro” sa isang ensayo matapos pumayag muli ang pamahalaan ng Serbia na bahagyang bumalik ang palakasan bunga ng tagumpay nila laban sa COVID-19. Inaasahan na isa hanggang dalawang buwan magpapagaling si Majstorovic, eksakto lang para sa torneo na magsisilbing pambungad ng 2020 World Tour.
Maliban sa World Tour, nakatutok ang kanyang pansin sa Tokyo Olympics sa susunod na taon. Pasok na ang Serbia sa bisa ng kanilang mataas na ranggo sa FIBA 3X3 at gusto nilang gumawa ng kasaysayan bilang mag-uuwi ng unang gintong medalya para sa bagong disiplina.
Ang 32-anyos na si Majstorovic ang kasalukuyang numero otsong manlalaro sa buong mundo at dating numero uno noong 2017 kaya malaking pagkakataon ito para sa Pinoy 3X3 fans na makasaksi muli ng mataas na antas ng 3X3. Sasamahan siya nina Marko Savic (#7) at Tamas Ivosev (#10) na parehong nasa Top Ten ng FIBA habang hinihintay pa kung sino ang magiging pang-apat na kakampi.
Kung ang Serbia ay pasok na sa Tokyo, ang Pilipinas ay kailangan pang dumaan sa Olympic Qualifier sa susunod na taon. Nakasalalay sa mga balikat nina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, Moala Tautuaa at CJ Perez ang pag-asa ng bansa.
Sasamahan ang Novi Sad ng Sakiai Gulbele ng Lithuania sa Manila Masters. Ang iba pang mga koponan ay malalaman matapos ang mga FIBA 3X3 Challenger pagsapit ng Agosto at mga piling lokal na torneo.





Comments