Wheelchair Basketball players positibo at praktisado pa rin
- A. Servinio
- Jun 12, 2020
- 2 min read

Lubos na nalungkot ang Pilipinas Warriors, ang pambansang koponan ng Wheelchair Basketball, sa pagpapaliban ng ASEAN Paragames na dapat ay gaganapin dito. Subalit tulad ng kanilang taglay na motto, tuloy ang laban sa gitna ng krisis ng COVID-19.
Maliban sa Paragames, nakatakda rin sana lumaro ang Warriors sa Bali Cup at Jakarta Invitational sa Indonesia at Daegu Cup sa Timog Korea. Magdadaos din sana ng kampo sa Thailand para sa puspusang ensayo ng koponan ng kababaihan.
“Noong una ay nalungkot talaga ako para sa mga atleta kasi saksi ako kung gaano sila nagbuhos sa ensayo, 'yung parang may gusto kang gawin pero alam mo na hindi na mangyayari ito,” wika ni Coach Vernon Perea na gumagabay sa Warriors buhat pa noong 2012.
“Malungkot din ang mga player pero binalewala nila ito at bumalik agad sa ensayo.”
Bunga ng pandemya, hindi sila maaring mag-ensayo bilang isang buong koponan kaya inutusan ni Coach Perea ang lahat na magpadala ng video araw-araw bilang patunay na ginagawa nila ang kanilang mga asignatura at ehersisyo. Nagbibigay din ng suporta ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pamamagitan ng mga online na konsultasyon sa physical therapy at pati na rin sa diyeta at sikolohiya.
Sobrang ganado ang Warriors na maglaro sa Paragames kasi ito ay sa harap ng kanilang kababayan. Walang masyadong torneo dito kaya madalas ay kailangan nilang dumayo sa ibang bansa.
Kasama sana sa plano ang mag-ensayo ng isang buwan sa Subic Bay noong Abril. Hindi tinago ng mga Warriors ang galak at masusubukan na nila ang mga bagong dating nilang mga wheelchair.
Inamin ni Coach Perea na kailangan ng karagdagang ingat lalo na sa mga tinaguriang mga “differently-abled athletes” sa simula ng Enhanced Community Quarantine (ECQ). Buti nalang at walang nag-positibo at binibigyan ng pansin ang lahat kahit ito ay simpleng lagnat o sakit ng tiyan.
“Sa mga kaibigan ng Warriors na matagal nang gusto kami mapanood ng live ay maghihintay pa tayo ng kaunti,” wika ni Coach Perea bilang pangwakas. “Alam ko handa na kayo sumigaw para sa amin pero magtiis muna tayo at magkaisa, malapit na naman ang sunod na Paragames sa Vietnam 2021.”





Comments