6 buwan matapos maturukan... 12-anyos na nagbago ang ugali at nawalan ng gana kumain, nagwala sa osp
- Daing Mula sa Hukay
- Jun 12, 2020
- 5 min read
Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya
Isa sa itinuturing na sinisimbolo ng North Star ay ang personal na misyon sa buhay ng isang tao. Kaya naman lubusang niyayakap nito ang kanyang North Star at nananatiling matatag – hindi nawawala sa gitna ng dilim dahil may bituin na nagbibigay-liwanag sa paglalakbay tungo sa pagtupad sa kanyang misyon sa buhay. Ang kinakatawan ng talang ito ay maaaring magsimula sa munting pangarap, tulad ng hinangad ni Maricel Salvador Manriza. Sa kasamaang-palad, hindi na siya nabigyan ng pagkakataong matupad ito.
Ayon sa kanyang mga magulang, (Mang Marcelo Manriza at Aling Mylene Salvador): “Naglaho ang lahat ng pangarap ni Maricel. Ang pangarap niyang maging flight attendant ay hindi na mabibigyan ng katuparan sapagkat kinuha na ito sa kanya ng Degvaxia”.

Si Maricel ay 12-anyos nang pumanaw noong Setyembre 29, 2017. Siya ang ika-19 sa naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa FDA {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team.
Si Maricel ay nabakunahan ng Dengvaxia noong Abril 5, 2016, sa rural health unit (RHU), sa Laguna. Makalipas ang anim na buwan, nagsimulang bumagsak ang kanyang katawan. Napansin ng kanyang mga magulang na nawalan din siya ng ganang kumain. Bukod sa pagbabago sa pangangatawan, nagbago rin ang ugali. Ayon sa kanyang mga magulang:
“Naging mainitin ang kanyang ulo. Kapag mayroon kaming inimik sa kanya, palagi siyang mayroong sagot. Hindi siya ganu’n dati sa amin. Madali lang siyang mautusan noon, pero nang magsimula siyang makaramdam ng sakit sa katawan, hindi na namin mautusan dahil kapag inuutusan ay umiirap siya.
“Nawalan na rin ng sigla si Maricel. Ang batang noon ay mahilig magpasaya kapag kami ay pagod at malungkot ay nawalan ng ganang magkikilos. Naging ganito ang kalagayan niya hanggang sa siya ay pumasok sa eskuwela.”
Nang magpasukan, hindi na siya palaging nakakapasok dahil lagi siyang may sakit sa tiyan. Nagsabi rin siya na nabobobo siya dahil walang pumapasok sa kanyang utak.
Nabanggit pa niya na hindi pumapasok sa ulo niya ang pinag-aaralan, kaya bumaba ang kanyang marka. Dagdag pa rito, hanggang noong Setyembre 2017, pabalik-balik sila sa ospital dahil patuloy ang pagsakit ng tiyan at ulo niya. Subalit ang sabi sa ospital, wala siyang sakit at hindi masabi kung ano ang sakit niya. Isa pa, malakas naman si Maricel, kaya pinauwi sila at binigyan ng antibiotics at gamot para sa lagnat. Gayunman, kahit pinainom si Maricel ng mga inireseta sa kanya, hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Lalong sumakit ang tiyan at ulo niya kaya dinala siya sa isang klinika. Ganundin ang nangyari, wala silang makitang sakit ni Maricel at pinauwi.
Mula Setyembre 25 - 29, 2017 ang mga naging kritikal na sandali sa buhay ni Maricel. Noong Setyembre 25, 2017, biglang nangisay si Maricel kaya itinakbo siya sa ospital kung saan siya na-confine ng apat na araw. Noong siya ay nasa ospital, laking-gulat ng mga doktor dahil kakaiba ang lakas ni Maricel. Kinailangan siyang igapos sa mga kamay at paa dahil siya ay nagwawala. Hanggang isang doktor ay nagsabi kay Aling Mylene na si Maricel diumano ay may dengue. Napasagot si Aling Mylene ng ganito, “Paano magkaka-dengue ang aking anak, eh, mayroon naman siyang bakuna kontra dengue?” Ang ganting sagot ng doktor, “Siya, walang lunas.” Labis ang pagkagulat nina Mang Marcelo at Aling Mylene sa nasabi ng doktor. Anila,“Buong akala namin ay protektado laban sa dengue si Maricel, subalit hindi ganu’n ang nangyari dahil noong September 29, 2017 ay pumanaw na siya.”
Magta-tatlong taon nang patay si Maricel, ngunit sa isip ng mag-asawa, parang kahapon lamang ito naganap:
“Labis ang naging paghihirap ni Maricel dahil sa Dengvaxia. Noong siya ay nasa ospital, walang tigil ang pagsakit ng tiyan niya at hindi na namin siya nakausap. Sa tindi ng kanyang nararamdamang sakit, sigaw siya nang sigaw ng “Mama” at nagsimulang magwala. Ang lakas-lakas ni Maricel nang mga panahong ‘yun at kinailangan siyang igapos para hindi matanggal ang kanyang suwero. Pinagawa nila kaming mag-asawa ng consent para siya ay maigapos. Sa kagustuhan naming mailigtas ang kanyang buhay, pumayag kami kahit na masama sa loob namin ‘yun, hanggang sa maging comatose siya.
“Naaalala namin na bago siya na-comatose, nakasigaw pa siya nang malakas at nagmura. Matapos noon, nilagyan siya ng tubo sa bibig at sinabihan kami na wala silang apparatus para sa tubo kaya kailangang kami ang humawak ng pump para mabigyan siya ng hangin. Kung gusto namin, umarkila raw kami ng makina para hindi na namin kailangang magbomba. Dahil sa kagustuhang dugtungan ang buhay ni Maricel, ipinangutang naming mag-asawa ang pambayad sa arkila ng makina.
“Buong akala namin ay makabubuti sa kanya ang itinurok na bakuna, subalit ‘yun pala ang magiging dahilan ng kanyang maagang paglisan.
“Walang makatutumbas sa kalungkutan at dalamhati namin dahil sa pagkawala ng aming bunso at siya ay ipaglalaban namin kahit anong mangyari.”
Sa kaso ni Maricel, tumambad muli ang kakulangan sa kahandaan ng mga ospital na maagap at mahusay na maasikaso ang mga naturukan ng Dengvaxia na nagkaroon ng seryosong karamdaman bago bawian ng buhay. Hindi naagapan ang ganitong pangyayari dahil wala ring sapat na impormasyon na nagsilbing batayan ng informed consent. Kung nasabi kaya sa mga magulang ni Maricel ang common pattern of four serious adverse effects, isusugal pa kaya nila ang buhay ng kanilang anak? Ang mapait na katotohanan hinggil sa itinurok sa kanilang anak ay huli na nang malaman ng mag-asawa. Anila:
“Sa paglipas ng mga araw, unti-unting tumambad sa aming mag-asawa na ang biglaang pagkamatay ni Maricel ay sanhi ng Dengvaxia, lalo na nang lumabas ang balitang sinabi mismo ng Sanofi na delikado ang bakunang ito. Nang napanood namin ang kuwento ng batang namatay sa Bataan, doon sumabog ang luha naming mag-asawa. Humingi kami ng tawad kay Maricel dahil pumayag kaming mabakunahan siya ng Dengvaxia.”
Ang desisyon nilang ipaglaban ang kaso ni Maricel ang naghatid sa kanila sa PAO. Hiniling nila na isailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team ang mga labi ni Maricel at masampahan ng kaukulang mga kaso ang mga responsable sa maagang pagpanaw niya.
Sa ngayon, ang yumaong si Maricel ang nagsisilbing North Star nina Mang Marcelo at Aling Mylene. Nakatutok sila sa paghahanap ng hustisya para sa kay Maricel. Ang pangarap nito na maging flight attendant ay hindi nabigyan ng pagkakataon na pumailanlang sa himpapawid. Kaugnay nito, kami sa PAO ay nananatiling handa sa mga nais humadlang sa aming ipinaglalaban at pinapangarap na katarungan para kay Maricel at mga biktima. Dahil dito, kasabay ng aming pagpupunyagi at pagtatanggol ang maingat na pagbabantay.





Comments