National Academy of Sports pirmado na ng Malacañang
- Gerard Arce
- Jun 11, 2020
- 2 min read

Opisyal nang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Academy of Sports Act na magbibigay ng magandang benepisyo sa mga student-athletes, gayundin ang pagsusulong ng pangmatagalang plano sa pagpapaunlad ng pampalakasan sa bansa.
Nakasaad sa ilalim ng Republic Act 11470 na may mandato ang gobyerno na bumuo ng NAS na nagpapabilang sa secondary education na mayroong espesyal na kurikulum sa pampalakasan upang matulungan ang mga atletang mag-aaral na pagsabayin ang pag-aaral at pagsasanay.
“I firmly believe that with this law, we will be able to catch up with the rest of the world in terms of sports development,” wika ni Senate Sports Committee chair Christopher “Bong” Go na isa sa mga principal auhor ng nasabing batas.“Maganda ang performance natin noong nakaraang SEA Games pero kailangan nating maibalik ang pagiging sports powerhouse ng Pilipinas sa Asya,” dagdag ni Go.
Sinabi rin ng Senador na ang pagkakatatag ng NAS ang magbibigay ng pagkakataon sa mga atletang-mag-aaral na mapalapit sa world-class na pasilidad gaya ng New Clark City sa Capas, Tarlac, gayundin ang daan para sa mga ito para makakuha ng mga dekalidad na klase ng edukasyon.
“It is about time that we establish a learning institution focused on sports. Ngayon na magkakaroon na ng National Academy of Sports, sabay nang mabibigyan ang mga kabataang atleta ng pagkakataon na mag-training at makapag-aral sa isang world-class na pasilidad at eskwelahan,” saad ni Go. “Naniniwala ako na epektibong paraan ang sports upang mailayo natin ang mga kabataan sa iligal na droga, kriminalidad at katiwalian,” dagdag nito.
Mapapabilang ang pondo ng Akademiya sa taunang natatanggap ng Department of Education (DepEd) at lahat umano ng kikitain at mga donasyong pananalapi na ibinigay sa institusyon ay siyang ilalagay sa Sports High School Fund.





Comments