Kahulugan ng kuweba at kambing na may kilay
- Socrates Magnus
- May 30, 2020
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Uno Trenta na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan daw ako ng boyfriend ko. Sabi niya, hinawakan ko ‘yung kamay niya at umiiyak siya dahil hindi ko siya kayang ipaglaban, tapos niyaya niya ako sa kuweba sa may dagat. Tapos, may dalawang babae na nag-uusap, sabi nila, babaero raw siya kaya pinabayaan ko na. Nakita niya ‘yung sarili niya na biglang naglaba ng damit. Tinanggal niya raw ‘yung maruming tubig, tapos tumatalon-talon daw ako at may kambing na may kilay.
Dalawang beses na raw niyang napanaginipan na niyayaya niya ako sa may kuweba sa dagat dahil maganda ru’n. Gayundin, hinahawakan ko raw ‘yung kamay niya pero pagdating du’n ay nawawala ako.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Uno Trenta
Sa iyo Uno Trenta,
Medyo magulo ang pagkaka-kuwento mo sa panaginip na BF mo. Gayunman, sa biglang tingin, ang panaginip ay masasabing may phallic meaning na ito ay may nasasalaming pagnanasang seksuwal na nasa damdamin ng kung sino ang nanaginip ng kuweba. Phallic symbol ng kambing na may kilay na nagsasabing kung sino ang lalaki, siya rin ang may pagnanasang seksuwal.
Hindi naman lahat ng magkarelasyon ay nananaginip ng may kaugnayan sa pagnanasang seksuwal dahil kapag ang magkarelasyon ay close sa isa’t isa at madalas na magkasama, hindi na sila mananaginip ng ganu’n dahil sa tunay na buhay ay naihahayag naman nila ang kanilang damdamin sa isa’t isa.
Kaya ang madalas na managinip ng panaginip na may lihim na pagnanasa ay ang mga magkarelasyon na magkalayo o hindi madalas nagsasama. Kumbaga, ang tao ay nagnanasa – panseksuwal man o sa iba pang bagay dahil wala siya noon at gusto niyang magkaroon. Ito rin ay ang hindi niya maranasan kaya gusto niyang maranasan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




Comments