10-anyos na naturukan ng Dengvaxia, unti-unting nalason ang katawan bago namatay sa bakuna
- Daing Mula sa Hukay
- May 29, 2020
- 4 min read
Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya

Ang mga proyekto ng mga awtoridad ay inaasahan na para sa kabutihan ng mamamayan. Dapat ay subok at ligtas ang mga beneficiaries, lalo na ang mga bata. Hindi upang pagsanayan at eksperimento lamang— na hindi man lang ipinaalam ang maaring panganib sa buhay na maidudulot ng proyekto.
Dahil sa paniniwalang subok na mabisa, sina G. Philip at Gng. Leny Leabres, mga magulang nina Jelino at Erico ay hindi nagdalawang-isip na tanggapin ang inialok na ituturok ng lokal na awtoridad sa kanilang lugar para sa kanilang dalawang anak. Inakala nila na sa pamamagitan nito, mapangangalagaan ang kalusugan nina Jelino at Erico at mabibigyan ng proteksiyon sa mga panganib na dala ng sakit. Sa kasamaang-palad, ang inaasahan nilang proteksiyon ay hindi nagkaroon ng katuparan. Sa halip, ito ay nagdulot ng trahedya sa kanilang pinakamamahal na si Erico.
Si Erico Leabres, dating mag-aaral sa isang eskuwelahan sa Nueva Ecija ay 10-anyos lamang nang pumanaw noong Agosto 17, 2016. Siya ang panglabing-pito (17) sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease, consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng mga pamilya ang libreng serbisyo para sa mga namatay na biktima.
Tandang-tanda pa ng mag-asawang Philip at Leny ang nangyari noong Mayo 5, 2016. Anila:
“Sinundo ng barangay patrol kasama ng kanyang class adviser sa bahay ang aming mga anak na sina Jelino at Erico Leabres para bakunahan kontra dengue.
“Wala naman sa mga sumundo ang nagpaliwanag sa amin kung ano ang puwedeng maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aming mga anak. Sa pag-aakala naming makabubuti sa aming anak ang nasabing bakuna kontra dengue, pumayag kaming mabakunahan sila. Kaya noong araw na ‘yun ay naturukan sina Jelino at Erico ng nasabing bakuna na hindi kami kasama. Pinapirma lamang kami ng diumano’y consent form para pahintulutan ang nasabing pagtuturok ng bakuna kontra dengue sa aming mga anak.”
Noong Mayo 21, 2016, nagkaroon si Erico ng sinat at pamamantal sa katawan. Napansin din ng kanyang mga magulang na naging mahina na ang pangangatawan niya matapos mabakunahan. Noon diumano na wala pa siyang bakuna, siya ay malusog, maliksi at malaro. Noong Hulyo 24, 2016, muli siyang nagkalagnat. Noong Agosto 7, 8, 11, 13, 2016, nadagdagan ang mga sintomas ni Erico (pagkakaroon ng UTI, hindi magandang resulta ng hematology test, atbp.).
Noong Agosto 16 at 17, 2016 naging kritikal ang kondisyon niya:
Agosto 16, 2016 - Sa ospital, sinabi ng doktor na maselan ang kalagayan niya at kailangan matingnan ng heart specialist. Biglang tumaas ang lagnat niya at nanginginig siya. Agad siyang tinurukan ng paracetamol, pagkatapos noon ay nakatulog naman siya. Alas-3:00 ng hapon, nagising siya at sinabing pupunta ng CR. Bago sila makarating sa CR ng nanay niya, biglang dumumi, naihi at bumagsak si Erico. Pinulsuhan siya at sinabing wala na siyang pulso at wala nang tibok ang kanyang puso. Nagkaroon diumano siya ng cardiac arrest.
Tinurukan siya ng pampatibok ng puso at kinabitan ng ambu bag. Sinubukan siyang i-revive, na-revive naman siya, pero sinabihan ang kanyang mga magulang na kailangan siyang ilipat sa ibang ospital dahil kulang sa kagamitan ang nasabing ospital. Inilipat siya agad ng ospital at agad siyang kinabitan ng aparato para sa puso at agad na idiniretso sa ICU dahil hindi diumano normal ang pagtibok ng kanyang puso. Isinailalim siya sa maraming diagnostics tests sa kanyang dugo, ihi at dumi. Alas-6:00 ng hapon, sinabihan sina G. at Gng. Leabres na kailangang salinan ng dugo si Erico dahil kumakalat diumano ang lason/infection sa kanyang katawan/dugo.
August 17, 2016 - Pagkatapos niyang masalinan ng dugo, biglang nangitim at nangulubot ang balat niya at nagreklamo siya ng pananakit ng tiyan. Pinainom siya ng nurse ng Gaviscon, ngunit siya ay nagsimulang maging balisa. Pagdating ng alas-3:00 ng hapon, lumingon si Gng. Leabres kay Erico matapos siyang tawagin nito. Pagkalingon niya rito, bigla itong nangisay at nangitim. Sinabihan ng doktor ang mag-asawang Leabres na alanganin ang kalagayan ni Erico at kung papayag diumano sila na dugtungan ang buhay ng kanilang anak ay tinanong sila kung gusto nilang i-intubate ito. Pumayag si G. Leabres at mahigit kumulang na sampung minuto pagkatapos na ma-intubate si Erico ay tuluyan nang pumanaw.
Sa pagkamatay ni Erico, nasabi nila G. at Gng. Leabres:
“Labis ang aming pagdadalamhati sa pagkawala ng aming anak na si Erico. Kailanman ay hindi siya dinapuan ng malubhang karamdaman. Papaanong ang isang batang sinasabi nilang mayroong UTI ay bigla na lamang magkakaroon ng sakit sa puso at malason ang kanyang katawan ng sarili niyang dugo? Ito ay isang palaisipan sa aming mag-asawa maging ng aming mga kaanak. Hanggang sa noong mga nakaraang mga buwan ay napabalita ang mga batang nangamatay dahil sila ay naturukan ng Dengvaxia. Lumabas sa mga balita na parehas ang mga naging karamdaman nila sa aking anak.
“Nang ako (Philip) ay bumiyahe pa-Bataan, nakausap ko ang isang tao roon na nagbigay sa akin ng numero ni Ma’am Jasmin Romero na siya namang nagsabi sa amin na tumutulong ang PAO sa mga katulad namin.
“Kaya naman napagpasyahan naming mag-asawa na humingi ng tulong sa Public Attorney’s Office para malaman ang tunay na dahilan ng biglaang pagbagsak ng kanyang kalusugan at biglaan niyang pagkamatay at upang mabigyan siya ng hustisya.”
Kaugnay nito, ang hiniling nilang forensic examination para sa mga labi ni Erico ay isinagawa ng PAO Forensic Team at patuloy namang ibinibigay ng PAO at inyong lingkod ang aming libreng serbisyo-legal. Naging instrumento rin ang media, sa pamamagitan ni Ms. Romero, upang maipaglaban ang kaso ni Erico. Ang ugnayan ng PAO at media, sa ngalan ng katarungan at katotohanan ay nasasalamin din sa samahan ng PAO at BULGAR (at iba pang mga kapanalig sa adbokasiya), na pinagtibay ng prinsipyo para sa hustisya at panahon.





Comments