Pagbabalik-bansa ng libu-libong OFWs, dapat paghandaan kontra 2nd wave ng COVID-19
- BULGAR

- May 22, 2020
- 1 min read
Kasunod ng pagkambiyo ng Department of Health (DOH) mula sa unang pahayag nito na nasa “second wave” na ng COVID-19 transmission ang Pilipinas, tiniyak ni National Task Force (NTF) COVID-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez, Jr. na pinaghahandaan na nila ang posibilidad na mangyari ito.
Aniya sa Laging Handa briefing, kabilang sa kanilang pinangangambahang pagmulan ng “panibagong wave” ay ang pagbabalik ng libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) mula sa iba’t ibang bansa na infected din ng COVID-19.
Nasa 27,000 OFWs na ang nasa bansa at may darating pang nasa 42,000 ngayong buwan hanggang Hunyo kaya kailangang paghandaan ang posibleng kakulangan ng mga quarantine facilities.
Samantala, balak din nilang magsagawa ng declogging sa mga inbound flights para makauwi na ang mga stranded na OFWs at target na gawing 1,000 flights kada araw.
Kasabay ng mga paghahanda sa pag-uwi ng mga kababayan natin ay tiniyak ng pamahalaan na hindi sila pinababayaan.
Sa katunayan ay halos kalahating bilyon na ang ayudang ibinibigay ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga OFWs na apektado ng lockdown magmula noong Marso, 2020.
Hindi biro ang banta ng panibagong bugso ng COVID-19 kaya dapat nating sabayan ang paghahanda ng pamahalaan sa pagsunod sa mga health protocols, bagay na dapat maipatupad anuman ang estado ng mamamayan.
Bagama’t nakadidismaya dahil nagdulot ng kalituhan ang magkakaibang pahayag ng mga opisyal ng gobyerno, sana ay huwag nang palakihin pa ang pagkakamaling ito nang sa gayun ay hindi matabunan ang mga prayoridad laban sa COVID-19 pandemic.





Comments