Mga tuwang-tuwa, pinagmumura... Zanjoe, ipinagsigawang alam ang dahilan kaya ipinasara ang ABS-CBN
- Ador Saluta
- May 10, 2020
- 2 min read

Hindi maitago ang matinding sama ng loob ni Zanjoe Marudo sa mga taong nagpahayag ng kasiyahan sa pagsasara ng ABS-CBN last May 5 pagkatapos mag-isyu ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) laban sa Kapamilya Network last May 4.
Ito rin marahil ang nag-udyok sa aktor na ilabas ang kanyang sama ng loob sa mga bashers nang i-post niya sa Instagram nu'ng Miyerkules ng umaga (May 6), ang saloobin niya tungkol sa nangyari sa ABS-CBN.
Hindi napigilan ng aktor ang magmura sa mga bashers ng network na tuwang-tuwa pa ngang may mga taong nawalan ng trabaho.
Kalakip ng logo ng ABS-CBN na nasa itim na background, ito ang mensahe ni Zanjoe, "Sige tumawa kayo, pero t*ng*na n'yo, pagbalik namin, magpapasalamat kayo!”
Nilagyan niya ito ng hashtags na #staystrong at #doubledead.
Kasunod ng malutong na pagmumura ni Zanjoe ang paliwanag na para sa mga taong nagbubunyi sa pagsasara ng Kapamilya Network ang kanyang post.
Ayon kay Zanjoe, "Alam namin bakit isinara.
"Ang post na ito ay para sa mga nagbubunyi at tuwang-tuwa na isinara ang ABS.
"Ano ba 'yan, lahat kailangan word for word. Napakasimpleng salita, hindi maintindihan. Haaayy Pilipinas kong mahal."
Isang netizen ang sumagot at minura rin ang aktor, “T*ng ina ka rin, Zanjoe. Alamin mo kung bakit ipinasara."
Sagot dito ng aktor, "Alam ko kung bakit isinara! Minumura ko 'yung mga tuwang-tuwa."
Isa lamang si Zanjoe sa mga contract stars ng Kapamilya Network na hindi natakot ipahayag ang kanilang nararamdaman tungkol sa utos na cease and desist ng National Telecommunications Commission sa ABS-CBN.
Malaki ang naitulong ng ABS-CBN kay Zanjoe. Ang TV network ang nagbigay sa kanya ng malaking break sa showbiz mula nang sumali siya sa celebrity edition ng Pinoy Big Brother noong February, 2006.
Utang na loob ni Zanjoe sa Kapamilya Network kung sino at ano ang meron siya ngayon dahil natupad ang lahat ng mga pangarap niya.
♥♥♥
Kahit naipasara na ang Kapamilya Network…
ABS-CBN at GMA, tuloy ang tapatan
Natigil man ang broadcast operations ng ABS-CBN at nag-sign-off ang Kapamilya Network nitong May 5 dahil sa cease and desist order na inisyu ng NTC, muling nagbalik at napanood ang primetime news program ng ABS-CBN na TV Patrol nu'ng Biyernes (May 8), mula 6:00 PM sa pamamagitan ng kanilang exclusive live streaming app sa iWant at sa cable channel ng ANC.
Hindi man sa ABS-CBN channel napapanood ang TV Patrol, sabay ang live streaming sa kanilang exclusive streaming app na iWant at sa cable channel na ANC.
Kapansin-pansing hindi lamang ang online edition ng TV Patrol ang mapapanood sa 6 PM timeslot dahil nito ring gabi ng May 8 nagsimulang umere ang 24-Oras primetime news program ng GMA-7 sa kaparehong oras.
Ibig sabihin, tuluy-tuloy pa rin ang rivalry (in terms of audience sharing) ng dalawang pangunahing tagahatid ng balita sa bansa, ang TV Patrol at 24 Oras.
Isang patunay lang na buhay na buhay ang kompetisyon sa pagitan ng mga nabanggit na programa na pareho ang layuning maghatid ng sariwang balita sa madlang pipol.
Comments