Nalaman matapos mamatay... Pagkasawi ng 13-anyos na naturukan ng Dengvaxia, isinisisi ng magulang sa
- Daing Mula sa Hukay
- May 8, 2020
- 4 min read
Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya
Matagal nang suliranin ang congestion sa detention centers at correctional facilities, lalo itong nararamdaman ngayon na may COVID-19 pandemic— ng mga persons deprived of liberty (PDLs). Kaugnay nito, kamakailan lamang, ang Korte Suprema sa pamamagitan ng Office of the Court Administrator (OCA) ay nagsagawa ng hakbang upang makatulong sa pagharap sa mga suliraning dulot ng congestion at COVID-19 sa mga PDLs.
Ang OCA ay nag-release ng OCA Circular No. 91-2020 noong Abril 20, 2020, tungkol sa pagpapalaya sa kuwalipikadong PDLs, na nilagdaan ni Court Administrator Jose Midas P. Marquez, para sa judges ng first at second level courts sa bansa. Ang nasabing OCA circular ay bilang paalala sa mga hukom ukol sa “Guidelines for Decongesting Holding Jails by Enforcing the Rights of the Accused Persons to Bail and to Speedy Trial” na nakapaloob sa isang en banc Resolution ng Korte Suprema, ang A.M. No. 12-11-2-SC na may petsang March 18, 2014. Partikular na binanggit sa circular ang Seksyon 5 at 10 ng naturang guidelines na nagsasaad na ang akusado na nadetine sa loob ng panahon na katumbas man lang ng ipinataw sa kanyang minimum penalty at ang kaso ay hindi umuusad dahil sa kawalan ng saksi ay nararapat nang mapalaya. Ang kalayaang binabanggit dito para sa PDLs ay pansamantala lamang, ang kanilang mga kaso ay patuloy na magkakaroon ng hearings na inaasahang agad na maitatakda.
Ang PDLs ay kasama sa mga kliyente ng Public Attorney’s Office (PAO). Dahil dito, ang inyong lingkod ay nagbigay ng direktiba sa kinauukulang public attorneys na agarang mag-file ng angkop na motions para sa aming mga apektado at kuwalipikadong kliyente sa mga hukuman na may kapangyarihan na duminig ng kanilang mga kaso. Ang aksiyon ng naturang public attorneys sa bawat kuwalipikadong kliyenteng PDL ng PAO ay kanilang ipagbibigay-alam sa National Prosecution Service (NPS) at sa OCA mismo, sa pamamagitan ng pagka-copy furnish sa mga tanggapan ng mga angkop na dokumento. Sa pagtutulungang ito ng PAO, OCA at iba pang ahensiya, may mga PDLs na magkakaroon ng pagkakataon na makasama ang kani-kanilang mga pamilya sa panahong ang makita lamang ang mga mahal sa buhay ay mapanghuhugutan ng lakas ng loob sa araw-araw. Sana, kaya rin naming ibigay ang family bonding sa iba pang mga kliyente ng PAO, tulad ng may mga kaso na may kaugnayan sa Dengvaxia vaccine. Bukod sa iba pang mga kliyente namin dito, kabilang ang mag-asawang Lauro at Analyn Eboña, mga magulang ng yumaong si Marc Axl D. Eboña.
Si Marc Axl, mag-aaral ng Muntinlupa City, ay 13-anyos nang pumanaw noong Enero 30, 2018. Siya ang panglabing-apat (14) sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng lamang-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng mga pamilya ang libreng serbisyo para sa mga namatay na biktima.
Si Marc Axl ay nilagnat alas-10:00 ng gabi noong Enero 24, 2018 at dahil sa pabalik-balik na lagnat, noong Enero 29, 2018, na-confine siya Marc Axl sa isang ospital sa Muntinlupa kung saan sinabi na delikado diumano ang lagay niya. Pagdating ng alas-7:00 ng gabi, sabi ni Marc Axl, “Ma, dudumi ako,” ngunit ani Gng. Eboña, “Hindi kami nakaabot sa palikuran dahil biglang natumba sa aking balikat si Marc Axl. Niyakap ko siya at pagtingin ko sa kanya, siya ay naninigas at ngumingiwi ang kanyang bibig. Pagkatapos ay nakita ko na dugo ang idinumi ng aking anak.”
Kaya naman nagsisigaw si Gng. Eboña na humingi ng tulong sa mga nurses. Lumapit ang isang nurse, ipinahiga sa kama si Marc Axl at binigyan ng reseta ng mga gamot na binili agad ni Gng. Eboña. Pinalitan din ng suwero si Marc Axl, ngunit tuluy-tuloy pa rin ang kanyang pagdumi ng dugo hanggang kinabukasan (Enero 30, 2018). Muling dumumi si Marc Axl ngunit sa pagkakataong ‘yun, wala na itong amoy hindi tulad ng kanyang mga nakaraang dumi. Sinabihan ng nurse si Gng. Eboña na nakahahawa ang sakit ni Marc Axl at kritikal ang kalagayan nito. Noong una, sinabihan si Gng. Eboña na dengue ang sakit ng kanyang anak, ngunit kinalaunan ay sinabig ito ay typhoid fever.
Alas-6:30 ng gabi noong Enero 30, 2018, namatay si Marc Axl. Kaugnay ng napakasakit na pamamaalam niyang ito, may mga impormasyon na nalaman sina G. at Gng. Eboña sa pangyayaring naganap bago nakitaan si Marc Axl ng mga sintomas na humantong sa malala niyang karamdaman. Ani Gng. Eboña:

“Noong umaga ng ika-31 ng Enero, 2018, aking napag-alaman kay Janrose Tarrobago, 19, isa sa dati naming kapitbahay na sinabihan siya ni Marc Axl na siya ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan.
“Nabanggit din ng isa sa mga kamag-aral at kaibigan ni Marc Axl na siya ay isa sa mga naturukan ng Dengvaxia sa kanilang eskuwelahan.
“Malakas, malusog at masiglang bata si Marc Axl bago siya makaranas ng malaking pagbabago sa kanyang nararamdaman noong ika-24 ng Enero, 2018. Kami ay lubusang nagulat sa biglaang pagbabago sa kalusugan ng aming anak na humantong sa kanyang pagpanaw. Labis ang aming pagdadalamhati sa pagkawala ng aming anak dahil kailanman ay hindi naospital at nagkasakit nang malubha si Marc Axl.”
Ang mga nabanggit ang nagdala sa mag-asawang Eboña sa aming tanggapan upang maipasuri ang mga labi ng kanilang anak sa PAO Forensic Team. Natupad ang kanilang kahilingan at patuloy pa rin naming hinahawakan ang kaso ni Marc Axl hanggang ngayon. Hindi sagka ang nagaganap na pandemya sa pagsusumikap namin na lalo pang paigtingin ang pagkamit ng hustisya para sa kanya at kapwa niya mga biktima.





Comments