top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Smokey at Marvin, nakalipat agad sa Siyete bago pa nagsara ang Dos

  • Erlinda Rapadas
  • May 7, 2020
  • 3 min read

Erlinda Rapadas / Teka Nga

Fans ni Coco, galit na galit sa pagpapasara sa Dos

Sa gitna ng panganib na dala ng COVID pandemic, nagpupuyos ang galit ngayon ng mga loyal viewers ng seryeng Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin.

Limang taon na ring sinusubaybayan ng marami ang TV version ng dating pelikula ng yumaong King of Philippine Movies na si Fernando Poe, Jr.. Maraming artista na kasama sa cast ang nakinabang nang husto sa Ang Probinsyano tulad nina Rowell Santiago, Sen. Lito Lapid, Mark Lapid, Tirso Cruz III, Susan Roces, Yassi Pressman, Roderick Paulate, atbp..

Pati ang mga dating artista na nawalan ng trabaho ay isinama rin ni Coco sa Ang Probinsyano.

Maraming sumubaybay sa pakikipaglaban ni Cardo Dalisay. Minahal siya ng masa at itinuring na isang superhero na tagapagtanggol ng mga inaapi.

Mahaba pa sana ang itatakbo ng istorya ng Ang Probinsyano pero "pinatay" at pinahinto muna ito ng COVID pandemic. Ganoon pa man, maraming umasa na pagkatapos ng Luzon lockdown ay muling magbabalik ang Ang Probinsyano at magkakaroon ng maayos na finale o pamamaalam kundi man sa TV ay kahit sa social media na lang.

♥♥♥

Nakikisimpatya ang karamihan sa GMA people sa mga talents at empleyado ng ABS-CBN na naapektuhan sa pagsasara ng Kapamilya Network. Bagama't nagkaroon ng kumpitensiya sa kanilang mga shows, hindi ikinatutuwa ng mga taga-Siyete na marami ang nawalan ng trabaho.

Hindi ito panahon ng pagbubunyi kundi pagdadamayan. Maraming pamilya ang magugutom lalo na't hindi pa tapos ang ating pakikipaglaban sa COVID-19.

Huwag naman sanang gawing isyu ng iba na pagsabungin ang GMA-7 at ABS-CBN. Walang kinalaman ang Kapuso Network sa pagsasara ng Dos. Ang NTC ang humatol at nagbigay ng kautusan para sa pagsasara ng ABS-CBN. Kailanman, walang naging pahayag ang GMA-7 against ABS-CBN. Hindi nila gagawin ang magdiwang sa naging kapalaran ng Dos kaya dapat na maging parehas din ang mga bashers.

Kami, ang matagal na naming pangarap na makita ay mawala na ang network war at magkasama-sama/magtulungan ang lahat ng network sa paghahatid ng mga makabuluhang programa sa mga viewers.

♥♥♥

Pagbubuntis ni Assunta, ‘di produkto ng siyensiya

May dahilan kung bakit excited at masayang-masaya ngayon si Assunta de Rossi. At last, after 16 years ng paghihintay ay magkakaroon na sila ng anak ni ex-Congressman Jules Ledesma.

Mabuti at nakahabol pa si Assunta na magbuntis at the age of 37. Natural way at hindi raw dumaan sa IVF (InVitro Fertilization) ang kanyang pagbubuntis ngayon. Pumalpak kasi ang una niyang pagpapa-IVF noon.

Three and a half months na ang ipinagbubuntis ni Assunta kaya ipinaalam na niya ito sa publiko.

Wish ni Assunta na maging healthy ang kanyang isisilang, boy man o girl ito.

Sey ng mga friends niya, baka raw sa tuwa ni Jules ay regaluhan uli siya ng luxury car tulad noong nag-birthday siya.

Masayang-masaya naman ang partidos ni Assunta na nasa Italy ngayon sa balitang buntis na siya. Matagal din na hindi sila nagkita-kita.

Si Alex (Alessandra de Rossi), excited nang maging nanny ng baby ng kanyang Ate Assunta. It seems hindi rin prayoridad ni Alessandra ngayon ang pagkakaroon ng love life.

Si Assunta, talagang hindi tumanggap ng mga projects bilang paghahanda sa kanyang pagbubuntis. At natupad naman ang kanyang pangarap at worth it ang kanyang pagsasakripisyo.

♥♥♥

Smokey at Marvin, nakalipat agad sa Siyete bago pa nagsara ang Dos

Bago pa nagkaroon ng isyu sa pag-e-expire ng kontrata ng ABS-CBN, napanood na sina Marvin Agustin at Smokey Manaloto sa ilang shows ng GMA Network. Nangangahulugang wala na silang existing contract sa Dos kaya puwede nang tumanggap ng show sa ibang network.

Ganoon din naman si Wendell Ramos na mula sa TV5 ay napanood din sa mga serye ng ABS-CBN ngunit nagbalik din sa Kapuso.

Sina Smokey at Marvin, nakapuwesto na sa GMA-7 bago nagkagulo sa Kapamilya Network. Nagsiguro na sila kaya hindi gaanong apektado sa pagsasara ng ABS-CBN.

♥♥♥

Nabigla at hindi talaga inasahan ng mga talents ng Dos lalo na 'yung may mga ongoing shows pa at may mga existing contracts sa mabilis na naging desisyon ng NTC.

Ma-lift man ang lockdown sa May 15 at makabalik sa normal na buhay ang lahat, wala pang katiyakan kung may babalikan silang trabaho.

Okey lang sana kung katulad ng mga big stars sa ABS-CBN na milyones ang naipon at naipundar, kahit ilang taon pang nakasara ang ABS-CBN ay hindi sila maghihirap dahil meron silang panggastos.

Papaano na ang maliliit na talents lamang?

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page