top of page

Mahabang pasensiya, kababaang-loob at pagpaparaya ang kailangan ng bawat isa sa panahon ng krisis

  • Fr. Robert P. Reyes
  • Apr 18, 2020
  • 2 min read

Noong Huwebes ng hapon ay nabisita namin ang kaibigang kura paroko ng Parokya ni San Jose sa Balintawak. Habang kami ay nagkukuwentuhan sa kumbento ay narinig namin ang malakas na buhos ng ulan sa labas.

Todo ang buhos at tumagal ito ng halos 30 minuto. “Napakaganda ng ulan sa gitna ng init ng buwan ng Abril at sa gitna rin ng matinding banta dulot ng pandemyang COVID-19,” buong pasalamat ni Fr. Pong.

“Napakagandang disinfectant ng ulan. Kapag tinamaan nito ang mga lumilipad sa hangin at dumikit na virus sa mga sari-saring bagay, tuluyang tatangayin ng tubig ang virus sa mainit na lupa kung saan malulusaw na lamang ang kinamumuhiang salot,” dagdag ni Bro. Arvin, isang dating Medical Technologist na ngayon ay seminarista na ng Diyosesis ng Cubao.

Nagpatuloy kami ng kuwentuhan habang kumakain ng meryenda. Palingun-lingon kaming lahat sa bintana upang tingnan ang espesyal na handog ng langit sa gitna ng Abril, ang pinakamainit na buwan.

Sa ebanghelyo ng araw na ‘yun, sinabi ni HesuKristo, “Ito ang mga salitang binigkas ko noong kasama pa ninyo ako, na nagsasabi kung paano natupad ang mga nakasulat sa batas ni Moises, sa mga propeta at sa mga awit…” (Lucas 24:35-48).

Tulad ng ulan ang mga salita ni HesuKristo, buhay at nagbibigay ng buhay. Pagkatapos nang Kanyang muling pagkabuhay, hindi na ganu’n kahabang magsalita ang Panginoon. Nasabi na Niya ang kanyang mga nais sabihin.

Ang kanyang kakaibang anyo at espiritung muling nabuhay ang mamamahayag sa halip ng kanyang mga salita. Tulad ng ulan, palaging buhay at sariwa ang Kanyang mga salita.

Meron bang nagdasal at humiling ng ulan ngayong Abril? Nagulat ang marami sa hindi inaasang pagbuhos ng ulan.

Tulad ng ulan, ganu’n na lamang ang pagdating ng biyaya ng Diyos. Paano natin sasalubungin at aasahan ang biyaya ng Diyos? Sa kabila ng maraming tumutulong, hindi pa rin lubos na masaya ang marami. Nagbahagi kami ng mga gift checks sa ilang mga kabaranggay at kaparokya sa Barangay Pinyahan, Quezon City.

Hindi bago ang mga reaksiyon ng tao. Dahil hindi nabigyan agad ang lahat, meron at merong magrereklamo at tila may nagalit pa. Ngunit kailangan ng kahinahunan dahil hindi makatutulong kung tatapatan ang init ng ulo ng iba.

Mahabang pasensiya, kababaang-loob at pagpaparaya ang kailangan sa panahon ng krisis.

Hindi natin hiningi ang ulan, ngunit bumuhos ito. Kaya ba nating ilabas ang pinakamagandang bahagi ng ating pagkatao sa mga panahong ito?

‘Ika nga, “Tunay na susubukan ang lahat ng iyong nalalaman at kakayahan, ngunit ang pinakamahirap ngunit pinakamahalaga ay ang kabutihan at kabandahang-loob na handa mong pairalin sa gitna ng pagkadismaya ng marami sa iyong paligid.”

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page