Ngayon lang 'yan
- Jacob Melmida
- Apr 16, 2020
- 2 min read

Buong sambayana'y biglang nagulantang sa mga delubyong naganap sa bayan. Una'y mga lindol sa parteng Mindanao, marami ang buhay nasira't nasayang; niyanig, niliglig iniwang luhaan. Maging pamahalaa'y ininda ang kirot, mahal nating bansa'y ramdam ang pagdagok, hagupit ng lindol takot ang dinulot, bilyon ang kailangan sa magiging gastos. Sunod ang Batangas sa abo'y nagdilim, Cavite, Laguna ay damay na rin sa galit ng Taal usok ay naghimpil sa dibdib ang kulo'y sumirit sa hangin. Ang ashfall sa hangin, hatid ay ubo, sa makalalanghap ng binugang abo, kaya't ang gobyerno ay agad sumaklolo, upang palikasin ang mga apektado. Ngayon virus ang kumalat, mga karadamang tila walang lunas. Kapag tinamaan ka buhay ay mauutas, kung ang resistensiya ay hindi malakas. Ang coronavirus anaki'y may bagwis, paglapag sa bansa ay sadyang hagibis. Mula sa Wuhan, China paglipad ay mabilis, saka sumuka ng epidemyang tinik. Ngayo'y pati Swine Flu ay nakikisabay, tila nakiuso sa Davao nag-ingay, mga negosyante ay muling nadadamay, mga hanapbuhay unang namamatay. Gayunman, tayo ay isang bansa, matapang, malakas, sa Diyos ay may tiwala. Kahit anong delubyo, hagupit at sigwa, pag-asa sa puso'y hindi mawawala. Ang pagkakaisa'y muling naghahari, liwanag ng bukas ay hindi napapawi. Mayroon mang bagyo, hindi ito mamamalagi, bukas ay sisilay yaong bahaghari. Yaong nasa lusak ikaw ay bumangon, loob mo'y lakasan at harapin ang hamon, sapagkat kung nasaan ang hangin at alon, doon sasaklolo ating Panginoon.
Magandang araw, mga bes! ‘Wag nang magpahuli sa trend at i-share na ang inyong #Hugot at i-confess mo na, bes ang matagal mo nang gustong aminin sa bagong column ng BULGAR na WHAT’S IN, KA-BULGAR? Ito na ang perfect timing para ma-publish ang laman ng inyong damdamin kaya mag-send na ng personal message sa aming official Facebook page – www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL. Hihintayin namin ang PM n’yo, mga bes, hindi ‘yung puro kayo na lang ang naghihintay sa wala. Char!
Comments