Teorya o katotohanan: Paniki, ipinasa ang virus sa tao
- Lolet Abania
- Apr 8, 2020
- 2 min read

Palaisipan pa rin hanggang ngayon ang pinagmulan ng coronavirus disease na namiminsala sa iba’t ibang bansa sa buong mundo. Subalit, ito ang nagbukas sa ating isipan at nagbigay ng dahilan upang makabuo tayo ng maraming teorya – bunga ng kaisipan, haka-haka lamang o dapat na paniwalaan.
Isang bioweapon ito na ginawa ng mga Chinese, pagkatapos ay dinala umano ng US Army ang virus sa Wuhan. Aksidenteng nagkaroon ng leak na parang genie na lumabas sa bote, mula sa isang laboratoryo. At doon nag-ugat ang lahat sa wildlife market ng Wuhan.
Dahil sa COVID-19, nagsama-sama ang mga scientists sa iba’t ibang panig ng mundo upang tapusin ang teoryang sabwatan na may bahid-pulitika ang nangyayaring ito. Gayunman, hati-hati ang kanilang damdamin tungkol sa minsang nabuo sa kaisipan ng karamihan na ang maysala nito ay walang iba kundi ang tanyag na wet market sa Wuhan kung saan pati ang mga mababangis na hayop na nasa hawla ay ibinibenta sa mga tao para alagaan at kainin nila. Dahil dito, pinaniwalaan na isang bat o paniki ang pinanggalingan ng virus at naipasa sa virus.
Mailap pa rin ang katotohanan ng tunay na pinagmulan ng coronavirus. Halos lahat ng lider ng mga bansa ay nagtatanong sa mga eksperto kung saan at paano kumalat ang sakit na ito at kahit ang mga nagsasabing may kaalaman sila sa pinagmulan nito ay iisa ang tugon— wala pang kongkretong sagot dahil puro hula at hinala pa lamang ito.
Maging ang mga siyentipiko ay nagpapatunay na walang ebidensiya na ang gobyerno ng China o Amerika ang sadyang nagbigay ng bagong coronavirus sa mga tao. Gayunman, patuloy nilang tutuklasin ang gamot sa sakit na ito.
Sa kabuuan, hindi na mahalaga ang pinagmulan ng virus na ito kahit na ang nais ipahiwatig sa atin ay galing ito sa mga paniki. Ang dapat nating paniwalaan ay makabubuo tayo ng natatanging lunas laban sa COVID-19 sa takdang panahon.
Gets mo?




Comments