Ayaw pakasalan ng ka-live-in, dapat nang makipaghiwalay dahil ‘di naman ka-compatible
- Maestro Honorio Ong
- Apr 7, 2020
- 2 min read
Dear Maestro,
May kinakasama ako at ang problema ay tatlong taon na kaming nagsasama, pero hanggang ngayon ay hindi niya pa rin ako pinapakasalan. Ayaw ko ng ganito na wala akong kasiguraduhan at kapag nag-aaway kami, palagi niyang ipinaaalala sa akin na hindi naman kami kasal. Sabi pa niya sa akin minsan, bakit daw kami magpapakasal, samantalang wala pa kaming anak?
Kailan kami magkaka-anak at kapag nagkaroon na kami ng anak, pakakasalan na niya ako at siya na ang makakasama ko habambuhay? August 28, 1993 ang birthday ng kinakasama ko at October 9, 1994 naman ang birthday ko.
Umaasa,
Aliya ng Santa Ana, Guimba, Nueva Ecija
Dear Aliya,
Ang zodiac sign mong Libra at zodiac sign na Virgo ng kinakasama mo ay hindi masyadong compatible dahil magkapitbahay lang silang zodiac sign, ganundin ang birth date mong 9 na isang strong number at hindi rin tugma sa birth date na 28 o 1 (ang 28 ay 2+8=10 1+0=1) ng kinakasama mo.
Ibig sabihin, halimbawang dumating ang punto na magkaroon kayo ng anak, imposible at malabo na pakasalan ka niya. Sa halip, ang mas malinaw na maaaring mangyari ay sa bandang huli, dahil hindi kayo compatible sa isa’t isa, maghihiwalay din kayo.
Sa madaling salita, mas mainam pang makipaghiwalay ka na ngayon hangga’t hindi pa kayo kasal upang hindi na maging magulo pa ang buhay pag-ibig at pakikipagrelasyon mo. Kapag hiwalay na kayo, maghanap ka ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Aquarius, Gemini o kapwa mo Libra na may birth date na 3, 12, 21, 30, 6, 15 at 24 kung saan sa piling ng nasabing lalaki, bukod sa pakakasalan ka niya, magiging tapat siya sa iyo upang sa susunod na pakikipagrelasyon, habambuhay ka nang liligaya.
Ayon sa iyong Love Calendar, kung makikipaghiwalay ka na ngayon sa lalaking walang balak na pakasalan ka, dahil hindi kayo compatible sa isa’t isa, tiyak ang magaganap 2022. Sa edad mong 28 pataas, matatagpuan mo na ang ikalawang lalaking magiging bahagi ng buhay mo— pakakasalan ka niya, magkakaroon kayo ng anak hanggang sa tuluyang makabuo ang maligaya at panghabambuhay na pamilya hatid ng lalaking matigas ang hilatsa ng buhok at may kayumanggi na balat.




Comments