‘Di porke nasa bahay, chill lang... Tips para maging produktibo kahit naka-work from home
- Justine Daguno
- Apr 2, 2020
- 2 min read

Malaking hamon ang Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 sa buong bansa at napakaraming kailangang isaalang-alang para lamang tuluyan itong makontrol.
Hindi lamang pasok sa eskuwelahan ang kailangan suspendihin kundi maging ilang komersyo, negosyo at iba pang hanapbuhay. Kaugnay nito, maraming kumpanya ngayon ang nagpapatupad ng work from home kung saan patuloy pa rin ang trabaho, ngunit hindi inilalagay sa alanganin ang kalusugan ng kanilang empleyado.
Kaya naman, narito ang ilang tips para mas maging produktibo at hassle-free tayo habang nagwo-work from home:
1. Mag-stick sa routine. Aminin man natin o hindi, napakaraming tukso kapag nasa bahay tayo nagtatrabaho, tulad ng masarap matulog, manood ng movies o T.V. series at iba pa. Pero para hindi tayo ma-tempt, siguraduhing mag-i-stick tayo sa routine. Ayusin ang schedule sang-ayon sa kung ano ito kapag nasa opisina. Mag-set ng alarm o gumawa ng notes para siguradong mami-meet ang deadline.
2. Ayusin ang work station. Malaking bagay ang work station para makapag-focus sa trabaho. Siguraduhing komportable ang lugar na ito kung saan may sapat na bentilasyon, malayo sa T.V. o anumang distraction at may sapat na ilaw.
3. Gumawa ng daily o weekly to-do list. Isulat ang mga kailangang unahin at dapat tapusin sa buong araw o buong linggo. Ang pagse-set ng goals ay parang paggawa ng game plan kaya kung ayaw mong mawindang sa schedule, make sure na may disiplina ka para ma-meet ang mga ito.
4. Palakasin ang immune system. Advantage ang work from home, lalo na kung kalusugan ang ating prayoridad. Imagine, walang stress sa pagko-commute, walang exposure sa pollution at sigurado tayong malinis at healthy ang pagkain natin. Ito ang oportunidad upang mapalakas ang ating resistensiya kaya ugaliing uminom ng mga bitamina, matulog nang sapat, kumain ng masusustansiyang pagkain at uminom ng maraming tubig.
5. Alamin kung kailan dapat mag-log off. Kung tapos na ang trabaho, ‘wag kalimutang magpahinga. Hindi porke nasa bahay, dedma na tayo sa oras. ‘Ika nga, lahat ng bagay na sobra ay hindi rin maganda sa ating sistema.
Marahil karamihan sa atin ay hindi gaanong sanay sa work from home dahil malayo ito sa nakasanayan, ngunit tulad ng bagong experience, marami tayong matutunan sa bagong setup na ito. Sa ngayon, mag-adjust na lang tayo dahil ang mahalaga ay magagawa natin nang maayos ang ating responsibilidad. Gets mo?




Comments