Angkas, Joyride at Move It, stop
- Madel Moratillo
- Mar 15, 2020
- 1 min read

Hindi na muna papayagan ang mga motorcycle taxi na makabiyahe sa Metro Manila sa buong panahon ng isang buwang quarantine sa National Capital Region (NCR).
Ang desisyon ay ginawa ng Department of Transportation (DOTr) upang makatulong na mabawasan ang pagkalat pa ng Coronavirus Disease 2019).
Sa isang pulong balitaan, inanunsiyo ng DOTr na suspendido muna ang pilot implementation ng mga motorcycle taxi tulad ng Angkas, JoyRide at Move It simula ngayong araw, Marso 15.
Sa mga Transport Network Vehicle Services (TNVS) tulad ng Grab ay mahigpit ang bilin ng DOTr na hindi dapat lumagpas sa 4 ang sakay nito kabilang na ang driver. Bawal na rin muna sa mga TNVS ang tumanggap ng multiple bookings para sa isang single trip
sa panahon ng community quarantine.
Samantala, ang mga UV Express ay hanggang 6 lang ang puwedeng isakay kasama na ang driver. Dapat din ay 1 seat apart. Sa mga jeepney, kalahati lang ng karaniwang kapasidad ang dapat isakay at dapat din ay 1 seat apart. Wala rin dapat nakasabit. Habang ang mga bus, hindi dapat lumagpas sa 25 ang sakay kasama ang driver at konduktor. Dapat din ay ‘one seat apart’ at walang nakatayong pasahero.
Inabisuhan naman ang mga jeep, bus at UV Express na maglalabas-masok sa Maynila na sabihan ang kanilang mga pasahero na ihanda ang mga ID o ibang patunay na sa Metro Manila nakatira o nagtatrabaho.




Comments