Daming pabida sa COVID-19, panggulo lang!

Umakyat na sa 4,634 ang bilang ng mga namatay dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Pinakamarami sa mga nasawi ay mula sa China (3,169), sinusundan ng Italy na may 827 at pangatlo ang Iran na may 354.
Sa kabuuan, umabot na sa 126,380 ang mga infected ng nasabing virus. Nasa 47,732 (89%) sa mga ito ay mild condition, habang 5,707 (11%) naman ay serious o critical condition. Naka-recover naman ang 68,307 na una nang nagpositibo sa COVID-19.
Samantala, idineklara na ng World Health Organization (WHO) ang COVID-19 bilang isang “pandemic” matapos kumalat na sa iba’t ibang bansa at kontinente. Paliwanag ng WHO, mas malaki ang sakop nito o nararanasan worldwide.
Kaugnay nito, sa halip na mag-panic, panatilihin natin ang pagiging kalmado, matalino at responsable lalo na sa paglalabas ng ating saloobin at pagbabahagi ng mga balita, partikular sa social media.
Sa dami na ng fake news na ating nababasa o nakikita araw-araw, sana naman ay natuto na tayo. Tiyakin muna kung ang post na binabasa ay mula sa lehitimong account o website. Kung hindi sigurado, puwedeng magbasa ng diyaryo, manood ng TV o makinig ng radyo.
Huwag magpabiktima sa fake news, hindi porke kakaiba o may kaugnayan sa isyu ang isang post ay paniniwalaan na natin at ise-share pa.
Gayunman, may mga pagkakataon na ang inakala nating maling balita ay puwedeng totoo pala.
Tulad ng kumalat na larawan ng isang “conference notice” ng Philippine National Police kahapon.
Sa nasabing notice, sinasabing pag-uusapan ng mga kinatawan ng PNP at iba pang awtoridad ang lockdown sa ilang lugar sa NCR dahil sa COVID-19. Mabilis itong kumalat hanggang sa mabuo ang paniniwala na magkakaroon na ng lockdown sa Metro Manila na posibleng sinundan na ng takot ng mga nakabasa sa balita.
Agad namang nilinaw ng DILG na tunay ang kumakalat na notice at nagkaroon ng meeting subalit, itinanggi na ila-lockdown na ang NCR dahil si Pangulong Rodrigo Duterte lamang umano ang puwedeng mag-anunsiyo nito.
Ngayon, sino ang nag-upload ng mga larawan ng nasabing ‘notice’? Ano ang kanya o kanilang intensiyon?
Huwag nating pangunahan ang mga tao o ahensiya sa paglalabas ng mga opisyal na pahayag. Huwag masyadong pabibo o pabida dahil nakakagulo lang kayo.





Comments