top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Kulong at multa sa mga pasaway sa COVID-19

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 11, 2020
1 min read

Sa gitna ng patuloy na pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), disiplina ang kailangan.

Mukhang hindi naman nagkulang ang mga awtoridad sa pagbibigay-paalala kung paano makaiiwas sa lalong paglala ng sitwasyon.

Mapapansin din ang kanilang pagiging aktibo at pagsasantabi sa isyu ng politika, bagay na dapat naman talaga dahil buhay na ng marami ang nakasalalay. Kalimutan na muna ang bangayan at sisihan.

Gayunman, sa ganitong pagkakataon ay hindi rin maiwasan na may ibang mahirap kausap, puwedeng dahil sa takot o sadyang walang pakialam sa sarili at sa kanyang paligid. Ang tinutukoy natin ay ang posibilidad ng pagsuway sa mandatory measures na ipinatutupad laban sa pagkalat ng COVID-19.

Sila ‘yung mga pasyenteng hinihinalang dinapuan ng virus, pero ayaw magpa-isolate o magpa-quarantine. Puwede ring mga private professional o government worker na hindi nakikipagtulungan at maaari ring mga ospital na tumatanggi sa pasyente o iba pang establisimyento.

At bilang tugon sa ganitong senaryo, nagbanta na ang Department of Health (DOH) na posibleng maharap sa pagkakaaresto at multa ang mga magpapasaway.

Matatandaang, idineklara ang state of public health emergency kaugnay ng COVID-19 at sa ilalim nito ay may nakasaad na puwedeng makulong ng isa hanggang anim na buwan ang mga lalabag at pagmumultahin pa ng mula P20,000 hanggang P50,000.

Puwede ring mawalan ng permit ang mga establisimyento. Tulad ngayon na may utos sa mga mall at iba pang pasyalan na pauwiin ang mga batang walang pasok sa iskul pero naglalakwatsa naman.

Hindi na ito panahon ng pagsasawalambahala sa mga nangyayari sa paligid, kailangan nating makinig, sumunod sa payo ng mga higit na may alam sa sitwasyon at maging disiplinado, alang-alang na rin sa kapakanan ng lahat.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page