top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Riding-in-tandem, problema noon hanggang ngayon

Editoryal
Mar 5, 2020
2 min read

Riding-in-tandem strikes again!

Halos araw-araw ay may nagaganap na krimen na kinasasangkutan ng mga nakamotorsiklo, pawang mga holdaper, snatcher at hired killer. Para sa kanila, motorsiklo ang pinakamadaling paraan para makatakas. Hindi maiipit sa trapik, puwedeng makapasok sa mga eskinita at makapagpalit ng damit para hindi na matunton.

Madalas wala ring plaka at dahil naka-helmet, mahirap ding matukoy ang mga pagmumukha kahit may mga CCTV sa paligid.

Wala na ring pinipiling oras at lugar ang mga kriminal na riding-in-tandem. Tulad ng nangyari kahapon ng umaga, pinagbabaril ang van kung saan nakasakay ang aktres na si Kim Chiu, sa Katipunan Ave., Quezon City. Alas-6:00 ng umaga, maliwanag na at marami nang sasakyan sa kalsada, pero walang pag-aalinlangan na ginawa ang pamamaril.

Para bang napakadali na para sa kanila na gumawa ng masama o labag sa batas dahil nakalulusot naman. Maaaring ang iniisip nila, matapos ang insidenteng ito ay tiyak na maghihigpit ang kapulisan, kaliwa’t kanan ang mga checkpoint, may mga nakakalat na pulis at todo-inspeksiyon na naman sa mga CCTV kung gumagana. At ‘pag medyo lumipas na ang ilang araw, lalarga na naman ang mga ‘yan.

Kaugnay nito, tiyak na muling mapag-uusapan ang iba‘t ibang panukala laban sa kriminal na riding-in-tandem tulad ng mas malaking plaka sa likod at harap ng motor na una nang tinutulan ng mga rider. May mga hirit din na ipagbawal ang pang-aangkas, bagay na siguradong papalagan ng marami lalo ngayon na gamit na rin ang mga motor bilang pampublikong sasakyan.

Marahil, ay talagang mahirap habulin ang mga riding-in-tandem, pero, bakit hindi tuntunin ang mismong mga kriminal?

Sa isang banda, mawala man ang mga motor na may dalawang sakay, kung nariyan pa rin ang mga kriminal, tiyak na gagawa at gagawa ang mga ‘yan ng paraan para makapagnakaw o makapatay.

Ito ay hamon sa ating kapulisan at sa mismong gobyerno, palakasin ang ating puwersa laban sa masasamang-loob. Kailangan natin ng mga lider at tagapagtanggol na totoong tutugis sa mga kriminal. Higit sa lahat, ang pagkakaroon ng adhikain na matutukan ang mga reporma at tuluyang makuha ang buong tiwala ng publiko.

Kung makikitang tapat at pursigido ang mga awtoridad sa paglutas ng krimen at ilalabas ang pangil ng batas, mababawasan ang mga halang ang bituka at tiyak na mas magtitiwala at makikipagtulungan ang taumbayan para sa kaayusan ng bansa.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page