Builders-UST, paborito vs. TIP sa Aspirants’ Cup

Pinaboran ang Builders Warehouse-UST sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa 2020 PBA D-League Aspirants’ Cup ngayong hapon sa pagharap sa Technological Institute of the Philippines sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Pangungunahan ni UAAP MVP Soulemane Chabi Yo ang Growling Tigers sa pagbabalik nila sa developmental league. Ganap na 3 p.m. ang laban nila kontra Engineers matapos ang unang laro sa pagitan ng AMA at Apex Fuel Mindanao-San Sebastian College ng 1 p.m.
Ipaparada ng Tigers ang halos intact nilang line-up na kinabibilangan din nina Season 81 Rookie of the Year Mark Nonoy, Rhenz Abando at CJ Cansino.
Umaasa si UST coach Aldin Ayo na makatutulong ang kanilang D-League stint upang mag-mature ang kanilang mga players. “Yun naman ang sadya namin dito sa D-League, na mas mag-mature pa ang mga players namin,” ani Ayo.
Inaasahang bibigyan sila ng magandang laban ng Engineers ni coach Potit de Vera sa pamumuno ni Senegalese center Papa Ndiaye at mga forwards na sina Bryan at Ivan Santos.
Mauuna rito, pangungunahan ni RK Ilagan ang APEX Fuel Mindanao-SSCR sa pagsagupa nila sa AMA Online Senior High.
Bukod kay Ilagan, sasandigan ng Stags sina JM Calma, Ken Villapando, Romel Calahat, at Jessie Sumoda. “Challenge sa amin ito na makahanap ng bagong contributors na makakatulong kay RK,” pahayag ni Stags coach Egay Macaraya.
Aantabayanan sa panig ng kanilang katunggali si top rookie pick Reed Baclig at mga kilalang celebrities na sina Andre Paras at Eduardo “Young JV” Kapunan.
Sa tampok na laro, magtutuos ang Seaoil-FEU at ang Family Mart-Enderun ng 5 p.m.
Mangunguna sa Extreme Racers sina L-Jay Gonzales at RJ Abarrientos kasama ang Nigerian big man Emman Ojuola at mga holdovers na sina Ken Tuffin at Brandrey Bienes.
Sa kampo ng Titans, aasahan nila ang pamumuno nina Jayvee Marcelino at Toci Tansingco na pawang loan players mula sa hanay ng Phoenix.
Mga laro ngayon: Ynares Sports Arena: 1 p.m. - AMA Online Senior High vs APEX Fuel Mindanao-SSCR; 3 p.m. - Builders Warehouse-UST vs TIP; 5 p.m. - Family Mart-Enderun vs Seaoil-FEU.





Comments