top of page
Pokwang.jpg

Antigong silver ring, epektib na panghatak ng suwerte at masayang love life

Maestro Honorio Ong
Mar 4, 2020
2 min read

Dear Maestro, Sa edad kong 22 ay wala pa rin akong boyfriend. Gusto kong malaman kung sinu-sino ang mga ka-compatible ko at kung kailan ako magkaka-boyfriend nang seryoso at pangmatagalan? Gayundin, gusto kong malaman ang mga masusuwerte kong alahas at bato at kung kailan ako ikakasal o makapag-aasawa? October 14, 1997 ang birthday ko.

Umaasa, Lovely ng Hidalgo, Tanauan, Batangas

Dear Lovely, Ka-compatible ng zodiac sign mong Libra ang kapwa mo Air type signs na Gemini, Aquarius at kapwa mo Libra, gayundin ang fire type sign na Aries.

Dagdag pa rito, ang Taurus ay ka-compatible mo dahil kapwa kayo nagtataglay ng planetang Venus, higit lalo kung bukod sa nasabing mga zodiac sign, sila ay isinilang sa mga petsang 5, 14, 23, 8, 17, 26, 9, 18 at 27.

Dagdag pa rito, dahil may pagka-double five ang number mo, ibig sabihin, 5 ang birth date mo dahil ang 14 ay 1+4=5 at nagkataon ding 5 ang destiny number mo, (10+14+1997=2021/ 20+21=41/ 4+1=5), ikaw din ay ka-compatible ng Virgo na may ruling planet na Mercury kung saan si Mercury ay may katumbas na numerong 5.

Magiging malapit ka rin sa mga cute na babae at lalaki na kung tawagin ay nagtataglay ng “Mercurial type of personality”, gayundin, magiging malapit ka sa mga indibidwal na nagtatrabaho o ang nature ng work ay may kaugnayan sa communications, internet, call center, T.V. network, computer, stage actor, journalist at iba pang tulad nito.

Dagdag pa rito, magiging malapit ka rin sa mayayamang negosyante at indibidwal na ang gawain ay may kaugnayan sa travel at transportation, ganundin sa mga foreigner.

Sinasabi ring lapitin ka ng mga kapwa mo babae at lalaking mayayaman o may kaya sa buhay.

Habang ayon sa Decadens ng Kapalaran, significant at favorable years mo ang lahat ng taon na may suma-tutal na 5 tulad ng 2021, 2030 at 2048, gayundin sa edad mo na may sumatutal na 5 tulad ng 23, 32, 41, 50 at 55 ay tunay ngang may mahahalagang pangyayaring magaganda at magagara na magaganap sa iyong karanasan.

Samantala, dahil ikaw ay naiimpluwensiyahan ng numerong 5, dapat ay palagi kang magsuot ng silver na singsing na may palamuting batong opal o sapphire kung saan mientras antigo o mataas ang kalidad ng silver na singsing o kahit anong uri ng alahas na pilak, lalo itong magkakabisa at magsisilbing panghigop ng suwerte at pantaboy ng kamalasan.

Bukod d’yan, lahat ng bagay na metal, kumikislap, kumikinang, masarap hawakan, may gulong, gumagalaw, kilos nang kilos at umaandar, lalo na ngayong Year of the Metal Rat ang mga suwerteng pan-display sa iyo, upang lalo mo pang mahatak at mahigop ang magagandang kapalaran sa pakikipagrelasyon at sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.

Ayon sa Decadens ng Kapalaran, ngayong 2020, sa edad mong 23 pataas, magkaka-boyfriend ka na nang seryoso at totohanan kung saan siya ay itatalang magiging isa sa iyong pinakamasasaya at pinakamasasarap na karanasan sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page