top of page

Pinay parbuster Ardina, reyna ng Australian Pro

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Mar 3, 2020
  • 1 min read

Umalingawngaw ang talas ng mga hataw ni Pinay parbuster Dottie Ardina sa mga palaruan ng kontinenteng tinatawag na “Land From Down Under” nang hirangin siyang reyna ng Australian Ladies Professional Golf (ALPG) 2020 Club Car Series.

Nagsumite ang dating pamosong jungolfer mula sa Pilipinas ng kabuuang 978.33 puntos sa anim na torneong serye sa Australia.

Malaking sikad ang nakuha niya sa 2020 Ballarat Icons Pro-Am Tournament kung saan siya namayagpag para maibulsa ang gantimpalang $4,500 at ang kaakibat na 500 puntos.

Makinang din si Ardina sa Aoyuan International Moss Vale Pro-Am matapos siyang sumegunda rito at mag-uwi ng gantimpalang $3,000. May nalikom din siyang 400 series points mula sa nabanggit na torneo.

Pampito ang nairehistrong pagtatapos ng Pinay golfer sa Findex Yamba Pro-Am (78.33 puntos). Dahil sa korona sa serye, nahablot ni Ardina ang top purse na $6,500. Malayong segunda sa likod ng anim na taong pro mula sa Canlubang si Celine Herbin na kumartada lang ng 660.83 puntos (Windaroo=400 puntos; Moss Vale=100 puntos; ALC Bonville=82.5 puntos at

Findex Yamba=78.33 puntos).

Nagkasya na lang sa huling upuan ng podium sa serye si Gemma Dryburgh matapos itong makapagposte ng 598.33 puntos na produksyon, (450 puntos sa ALC Bonville; 78.33 puntos sa Findex Yamba at 70 puntos sa NSW Open).

Maganda ang takbo ng professional career ni Ardina ngayong 2020.

Kasalukuyan siyang nakaupo sa pangwalong posisyon ng ALPG Order of Merit matapos niyang maisalba ang isang Top 20 performance sa ISPS Handa Vic Open kamakailan.

Bukod dito, ang 26-taong-gulang na golfer ay may malaking tsansa para maisuot ang tatlong kulay ng Pilipinas sa nalalapit na Tokyo Olympics dahil swak siya sa top 60 qualifiers sa kasalukuyan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page