Morales, una sa stage 6 ng 10th Ronda Pilipinas
- A. Servinio/ATD
- Mar 1, 2020
- 2 min read

Photo: Ronda Pilipinas
Tarlac City – Ipinamalas ni Jan Paul Morales ang kanyang kalidad bilang dalawang beses na dating kampeon sa paghari sa ika-anim na yugto ng LBC Ronda Pilipinas Sabado. Umoras ang kapitan ng Philippine Navy-Standard Insurance ng 2:34:48 sa 111.9 kilometro na umikot sa mga bayan ng lalawigan ng Tarlac.
Naunahan ni Morales sina Dominic Perez ng Bicycology Shop-Army at Aidan James Mendoza ng 7-Eleven CLIQQ Air21. Kahit nahirapan sa simula, nakabawi si George Oconer ng Navy at nanatiling suot ang pulang jersey bilang sagisag ng pangkalahatang liderato.
Naipit si Oconer kasama ng malaking pulutong subalit nakakalas siya sa ika-50-km. Mula roon ay tinulungan siya ng kanyang mga kakampi. May pinagsamang oras si Oconer na 20:29:11. Kapansin-pansin na ang sunod na limang siklista ay kanyang mga kakampi sa Navy na sina Ronald Oranza (20:30:26), Ronald Lomotos (20:30:26), John Mark Camingao (20:31:04), Junrey Navarra (20:31:28) at El Joshua Carino (20:33:02) kaya may posibilidad na kahit sino sa kanila ang makoronahang kampeon.
Ang iba pang nasa Top Ten pagkatapos ng anim na yugto ay sina Mark Julius Bordeos ng Bicycology (20:33:25), Rustom Lim ng 7-Eleven (20:33:31) at ang Go For Gold pares na sina Jonel Carcueva (20:33:39) at Ismael Grospe (20:34:09). Ngayon pa lang ay halos sigurado na ang pagkampeon ng Navy sa team competition. Umakyat sa 23 minuto ang lamang nila sa humahabol na Go For Gold – 81:56:49 kumpara sa 82:20:59 – habang matibay sa ikatlong puwesto ang Bicycology sa 82:22:08.
Ang ika-pitong yugto ngayong araw ay 116.5 kilometro mula Tarlac papuntang Palayan City, Nueva Ecija. Mahalaga na magreserba ng lakas ang lahat para sa ika-walong yugto sa Lunes mula Palayan paakyat ng Baguio City kung saan maaaring malaman ang kampeon sa taong ito at mag-uuwi ng P1M gantimpala.





Comments