Adamson vs. UST, sa Best-of-3 Finals ng UAAP Girls Basketball
- VA
- Mar 1, 2020
- 1 min read

Photo: WeAreTheUAAP
Sumandig ang University of Santo Tomas kay Erika Danganan upang maipuslit ang panalo kontra De La Salle-Zobel, 50-48, upang kumpletuhin ang kauna-unahang Finals casts ng UAAP Season 82 Girls’ Basketball Tournament kahapon sa Paco Arena.
Naitakda ng UST ang pagtutuos nila ng undefeated na Adamson University sa best-of-three finals na magsisimula sa Marso 6 sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Tabla ang laro sa 48-all, natanggap ni Danganan ang bola habang nasa ibabaw ng 3-point arc, bago nagkunwaring ipapasa ito saka nag-drive patungo sa basket para sa game-winner na may nalalabi na lamang 9 na segundo sa oras.
Kasunod nito, si Danganan din ang sumupalpal sa tangkang game winner 3-pointer ni Luisa Dela Paz upang tiyakin ang panalo. “Yung both hamstrings niya, masakit, may iniinda ‘yung bata, pero ang maganda sa kanya, mature na siya maglaro kaya naiangat niya kami sa panalo,” ani UST coach Ford Grajales patungkol kay Danganan.
Tumapos si Danganan na may 13 puntos, 3 rebounds at isang block para sa Junior Growling Tigresses na nagtapos na may 4-2 na rekord.
Namuno si Jeehan Ahmed para sa nabigong DLSZ sa itinala nitong game high 18 puntos at 13 rebounds bukod pa ang 4 na blocks, 3 assists, at isang steal.
Sa tampok na laban, kinumpleto ng Baby Lady Falcons ang 6-game sweep sa elimination kasunod ng kanilang 71-puntos na panalo kontra Ateneo de Manila University, 109-38.
Umiskor si Crisnalyn Padilla ng 57 puntos kasama ng tig-5 rebounds at assists at 2 steals para pamunuan ang nasabing panalo ng Adamson.





Comments