Weightlifters Ceniza at Diaz, pasok sa IWF world rankings

Tatlong atleta ng Pilipinas ang swak sa unang sampu sa world rankings sa kani-kanyang mga dibisyon base sa pinakahuling listahan na ipinalabas ng International Weightlifting Federation o IWF.
Kabilang sa piling listahan ng mga weightlifters ang 22-taong-gulang na si John Fabuar Ceniza na nakaupo sa pangwalong puwesto dahil sa naipon nitong 2557.8276 puntos sa pangkat ng mga may timbang na 55 kilograms.
Base sa rekord ng IWF, ang pinakamabigat na nabuhat ng 2020 World Cup bronze medalist at SEA Games runner-up ay 262 kilos. Ganito rin ang estado ni Mary Flor Diaz sa pagsampa niya sa pangwalong baytang sa world ranking ng mga kababaihang may timbang na 45-kgs dahil sa bitbit niyang 2,156.1040 puntos.
Nairehistro naman niya ang pinakamabigat na nabuhat niyang 159 kilos. At kung ibabase sa panuntunan sa pagpasok sa Tokyo Olympics, aangat pa sa ranking si Diaz.
Dalawang Vietnamese lifters ang nasa unahan ng Pinay at isa lang kada bansa ang pinapahintulutan ng IWF na lumahok sa Olympiad.
Ang pinakamalaking pakinabang sa panuntunang ito ay ang 29-anyos na pambato ng Zamboanga at dating Olympic silver medalist na si Hydilyn Diaz. Nasa panlimang posisyon ang Pinay dahil sa naisumite nitong 3,717.0982 sa kategorya ng 55 kilogram.
Pero dahil apat na kinatawan ng China ang nasa unahan niya, aakyat siya sa pangalawang puwesto sa karera para makapagbuhat sa 2020 Olympics at tututok siya sa likod ng tumatrangkong si Huihua Jiang (4667.8878 puntos). Kasalukuyang nasa pangalawa si Quiyun Liao (4288.9622), pangatlo si Wanquiong Zhang (4,212.6339) at pang-apat si Yajun Li (4,099.0223).





Comments