top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

DOJ, nakakakita ng basehan... 9 na opisyal ng DOH, FDA, RITM at Sanofi, kasama sa mga kakasuhan sa D

  • Daing Mula sa Hukay
  • Feb 28, 2020
  • 7 min read

Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya

Isandaan at limampu’t tatlo (153) na ang biktima ng Dengvaxia. Ngayong Pebrero 2020, Buwan ng mga Puso, may pait at hinagpis na namang lumatay sa aming dibdib dahil sa pagkamatay ni Rhenzyl Castillo, isang bata na ang papalubhang mga karamdaman na humantong sa kanyang pagpanaw ay naganap pagkatapos maturukan ng Dengvaxia.

Gayunman, sa buwan ding ito ay nagkaroon ng positibong development sa mga kasong hawak ng Public Attorney’s Office (PAO) na may kaugnayan sa nasabing bakuna. Sa press release na inilabas ng Department of Justice (DOJ) noong Pebrero 21, 2020 (Biyernes), ipinahayag ng DOJ na ang panel of prosecutors na nagsagawa ng preliminary investigation sa second batch ng complaints hinggil sa kamatayan ng mga bata na diumano’y konektado sa pagbabakuna ng Dengvaxia ay nakakita ng probable cause upang idemanda ang dating Secretary of Health sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Kasama rin sa mga isasakdal sa parehong krimen ang siyam pang mga opisyal ng Department of Health (DOH) at mga responsableng opisyal ng Food and Drug Administration (FDA), Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at Sanofi Pasteur, Inc. Ang nasabing panel ay nagkaroon ng konklusyon, base sa kanilang imbestigasyon at pag-aaral sa naturang complaints na ang procurement process sa Dengvaxia vaccine ay minadali sa kabila ng “red flags” o babala ng mga panganib na batid ng mga nasasakdal. Dagdag pa rito, ang panel of prosecutors ay nakakita ng sapat na ebidensiya upang maihabla ang mga responsableng opisyal ng Sanofi Pasteur, Inc. sa paglabag sa Consumer Act of the Philippines dahil sa pagkalikha ng Dengvaxia vaccine na may banta ng panganib sa mga “seronegative”, o hindi pa nagkakasakit ng dengue.

Gayundin, ang nasabing panel ay nakakita ng mga pangyayari na may kaugnayan sa pamamahagi ng nasabing bakuna na nagbunsod upang maging “mislabeled drug” ang Dengvaxia at dahilan upang managot ang presidente ng Sanofi at apat pa nitong opisyal o direktor sa paglabag sa naturang act.

Binigyang-diin din ng naturang grupo ng prosecutors na ang Dengvaxia vaccine ay isang prescription drug, ngunit, ito ay ipinamahagi nang walang licensed practitioner o doktor na namamahala at wala ring written prescription o nakasulat na reseta kaugnay nito.

Ang mga nabanggit ay bahagi ng mahahalagang kaganapan na nagbibigay sa amin ng inspirasyon na magpatuloy sa pagpupunyagi sa paglaban sa katarungan para kay Rhenzyl at sa mga tulad niyang biktima. Si Rhenzyl Castillo ay dating estudyante sa isang paaralan sa Las Piñas, 13-anyos nang namatay noong Pebrero 13, 2020 sa isang ospital sa nasabing lugar.

Siya ang ika-153 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng ilan sa mga sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism [pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob], neurotropism [pamamaga at pagdurugo ng utak] and increase in severity of dengue disease) na consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng mga pamilya ang serbisyo ng team para sa mga namatay na biktima at dahil na rin sa kautusan ng DOJ noong ika-12 ng Disyembre, 2017 para tulungan ang mga biktima (Dengvaxia deaths, injuries and illnesses).

Tinutugunan din namin ang tawag ng kautusan ng DOJ at hiling ng mga magulang na libreng serbisyo-legal ng PAO sa pangunguna ng inyong lingkod.

Si Rhenzyl ay isang beses na naturukan ng Dengvaxia noong Oktubre 23, 2017 sa Las Piñas kung saan sila naninirahan. Nauna nang nabakunahan ng Dengvaxia ang kanyang mga kapatid na sina Abigail Maureen sa kanilang mataas na paaralan sa Las Piñas at Rhainiel sa kanilang paaralang elementarya sa nasabi ring lugar.

Sumunod namang nabakunahan ng Dengvaxia nang magkasabay sina Rhenzyl at dalawa pang mga kapatid na sina Arianne Mitch at Rhainzther sa kanilang health center. Sa parehong pagkakataon ay hindi kasama ng magkakapatid ang kanilang mga magulang na sina G. Arnel at Gng. Mary Anne Castillo.

Noong unang linggo ng Nobyembre, 2017, matapos mabakunahan ng Dengvaxia si Rhenzyl, nagkaroon siya ng mataas na lagnat. Hirap din siyang huminga at hirap sa pagtulog, gayundin, nakaupo lamang siya. Dahil dito, dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang health center sa kanilang lugar kung nasaan ang medical records niya. Sinabihan ng doktor ang mag-asawang Castillo na ipa-X-ray si Rhenzyl, na siya naman nilang ginawa.

Base sa resulta ng X-ray, may pneumonia siya. Isinailalim siya sa dalawang linggong gamutan at nang patapos na ang unang linggong gamutan, dinala siya nina G. at Gng. Castillo sa isang ospital at sinabi ng doktor na ituloy lang ang gamutan niya. Bahagya namang bumuti ang kanyang kalagayan matapos ang nasabing gamutan, subalit, bumagsak ang katawan niya.

Noong Disyembre 25, 2017, uminda ng pananakit ng tiyan si Rhenzyl at mas ramdam pa ang sakit nito sa tuwing hinahawakan ng kanyang mga magulang ang kanyang tiyan. Nagtagal ang pananakit ng kanyang tiyan hanggang noong Disyembre 29, 2017.

Mula noong 2018 hanggang 2020 ay nakibaka si Rhenzyl at ang kanyang mga magulang sa naging seryosong kalagayan ng kanyang katawan. Narito ang ilan sa iba’t ibang pinagdaanan ni Rhenzyl hinggil dito na nauwi sa kanyang mapait na pagpanaw:

1. Unang linggo ng Enero, 2018 - Napansin nina G. at Gng. Castillo na namamanas at naninilaw ang mukha ni Rhenzyl. Manas din ang kanyang mga paa at naninilaw din ang kanyang mga mata. Dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang health center sa Las Piñas at isinailalim sa laboratory tests, kaya nalamang may hepatitis siya.

2. Enero 12, 2018 - Dinala si Rhenzyl sa isang government hospital sa Maynila upang ipakita ang resulta ng kanyang laboratory tests. Habang sinusuri siya ng doktor, napansing hirap sa paghinga si Rhenzyl, kaya sinabihan ang kanyang mga magulang na kailangan siyang i-confine. Habang siya ay naka-confine, isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri tulad ng ECG, X-ray, blood test atbp., nalaman na may sakit sa puso si Rhenzyl.

3. Pebrero 10, 2020 - dinala si Rhenzyl sa isa pang ospital sa Las Piñas at ayon sa sumuri sa kanya, kailangan siyang ma-confine dahil nahihirapan siyang huminga. Dahil walang bakanteng kuwarto, ipina-confine siya ng kanyang mga magulang sa ibang ospital at sa emergency room sila nanatili. Gayundin, isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri. Namumutla si Rhenzyl at naka-oxygen dahil hirap siyang huminga at hindi nagbago ang kanyang kalagayan sa mga sumunod na araw.

4. Gabi ng Pebrero 12, 2020 - Inilipat si Rhenzyl sa ward section ng nasabing ospital at siya ay namumutla at hirap pa rin sa paghinga.

5. Alas-3:00 ng madaling-araw ng Pebrero 13, 2020 - Biglang naligalig si Rhenzyl at labis ang kanyang pagpapawis kahit malamig ang buong katawan niya. Mababa rin ang level ng kanyang sugar at pulse rate at ipinasok siya sa ICU. Naging kritikal ang kondisyon niya at pagsapit ng alas-9:00 ng umaga ay tuluyan nang pumanaw si Rhenzyl.

Ayon sa kanyang Certificate of Death, ang sanhi ng kanyang pagpanaw ay cardiogenic shock (immediate cause); rheumatic heart disease in failure (antecedent cause).

Napakasakit para sa mag-asawang Arnel at Mary Anne ang dagliang pagpanaw ni Rhenzyl. Napakalaking palaisipan din para sa kanila na magkasakit nang malala ang anak nilang ito dahil sa mga sumusunod na dahilan:

“Siya ay malusog at maliksing bata. Mahilig siyang maglaro ng basketball at kumanta. Madalas siyang naglalakad papunta sa kanyang paaralan at pauwi sa bahay habang bitbit niya ang kanyang mga gamit sa paaralan. Mga limang kilometro rin ang layo ng kanyang nilalakad sa tuwing siya ay pumapasok sa eskuwelahan. Kumpleto rin ang bakunang aming naibigay sa kanya, kaya kampante kaming malusog siya.”

Dahil sa napakalaking katanungan na iniwan ng pagkamatay ng kanilang anak, minabuti nina G. at Gng. Castillo na ipasailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team ang mga labi ni Rhenzyl. Bukod pa rito, hiningi rin nila ang libreng serbisyo-legal ng PAO. Kagyat natin itong ibinigay sa kanila at ang kaso ni Rhenzyl ay kasama na sa “Dengvaxia cases” na hawak ng PAO.

Sa nabanggit sa itaas na press release, nakasaad din ang sumusunod: “The panel also found respondent Garin and other respondents careless in implementing the mass immunization program.

According to the panel, the respondents failed to fully inform the Dengvaxia recipients, and their parents/families, of the nature and risks of the vaccine.

Thus, they failed to obtain the informed consent of its recipients. Further, the panel found that the Dengvaxia recipients were not subjected to physical examination or any pertinent health assessment prior to inoculation of the vaccine, nor did the respondents implement any post-inoculation monitoring of the Dengvaxia recipients for any possible adverse reaction.”

Ang sinabing ito ng naturang panel of prosecutors ay totoo rin sa kaso ni Rhenzyl (bagama’t hindi pa ito kabilang sa 2nd batch ng complaints dahil kahahawak lamang namin ng kaso niya nitong Pebrero 2020). Anang kanyang mga magulang:

“Ang aming mga anak ay naturukan ng Dengvaxia nang wala kaming paunang pahintulot. Kung nasabihan sana kami na puwedeng makasama ito sa kalusugan ng aming anak at magiging sanhi pa ng kanyang pagpanaw ay malamang hindi siya nabakunahan ng Dengvaxia. Labis din ang aming pag-aalala ngayon para sa aming apat pang mga anak na nabakunahan ng Dengvaxia.”

Batid na po ninyo lalo na ng mga pamilya ng mga biktima ng nasabing bakuna ang tuluy-tuloy na libreng serbisyo-legal at forensic examination services na aming ipinagkakaloob sa mga humihiling ng mga paglilingkod naming ito.

Sa pagkakataong ito, nais kong ipaalam ang free legal, medical and optical mission ng PAO para sa surviving Dengvaxia vaccinees.

Ang medical examination na may kasama ring visual acuity examination at urinalysis kung kinakailangan ng nasabing proyekto ang nagsisilbing “post-inoculation monitoring” ng PAO para sa maaaring maging negatibo o masamang reaksiyon na mararamdaman ng mga surviving Dengvaxia vaccinees.

Para makatulong na maiwasan ang mga susunod na casualties ay minabuti na naming isabay at maging pro-active sa pagbabantay sa kalusugan ng mga nasabing vac-cinees. Salamat sa mga mabubuting puso na nagbigay ng libreng bitamina, gamot atbp. na isinabay sa PAO legal counseling.

Narito ang datos kaugnay ng nasabing proyekto noong Enero 15-17, 29-30, 2020, Pebrero 5, 2020 at iba pang petsa ngayong taon sa PAO-Central Office: Para sa mga susunod na schedules kaugnay nito, abangan ninyo ang mga impormasyon mula sa mga Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), isang NGO na ating kaagapay sa mga biktima at sa Samahan ng mga Magulang na may Anak na Biktima ng Dengvaxia (SMABD) na kapwa nating nadaraingan.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page